Natumbang bus sa Alabang, kita ang harurot sa CCTV
Ni-review ng ilang beses ng Skyway Corporation ang CCTV ng aksidente sa Alabang viaduct pasado alas-5 ng hapon kahapon.
Ayon sa Skyway, makikita sa video na matulin ang patakbo ng JAC Liner Bus driver na si Fernando Aquino dahil nilampasan niya ang lahat ng sasakyang nakasabayan.
Bukod pa raw ito sa malakas na buhos ng ulan na nagpadulas ng kalsada, kung kaya't nagpagewang-gewang ang bus at humampas sa railings.
Dahil nakabig ang manibela ng bus, ilang sasakyan ang kamuntik nang mahagip.
Sa pagtaya ng Skyway, sobra sa 80kph speed limit ng mga bus ang takbo ni Aquino.
“It appears na medyo matulin ‘yung bus eh. May mga kotse siyang in-overtake-an,” sabi ng tagapagsalita ng Skyway na si Ed Nepomuceno.
Sa lakas ng pagbalandra nito sa railings at matinding pagkabig pakaliwa, tumagilid ang bus kaya't maraming pasahero ang nadamay.
Ito ‘yung bus na naaksidente kahapon, basag ang salamin at wasak ang parte ng harapan.
Batay sa kuwento ng isa sa mga sugatang pasahero, punuan raw ang bus kung kaya gumamit siya ng improvised na kahoy at dito siya naupo, kung kaya ganu'n katindi ang tinamo niyang sugat.
Isa ang estyudanteng si Krizia sa mahigit 10 naisugod sa ospital.
Nagtamo siya ng mga sugat sa ulo at mukha dahil sa mga tumalsik na basag na salamin.
Kuwento niya, matulin ang takbo ng bus nila kaya nawalan din ng kontrol ang katabing itim na kotse.
"Out of control na din ‘yung black car tapos iniwasan ng bus. Nag-turn right at muntik na kaming mahulog," sabi ni Krizia.
Bukod kay Krizia, dalawang pasahero ang tumilapon naman sa bintana dahil sa lakas ng paghampas ng bus sa railings.
Kinilala ang dalawa na sina Rommel Lambitco at May delos Santos.
Humingi na ng paumanhin ang drayber ng bus sa mga sugatang pasahero pero itinatanggi nito na matulin ang kanyang takbo.
“Pag-overtake ko, biglang nag-slide ‘yung bus ko,” sabi ni Aquino.
Sinampahan na si Aquino sa Muntinlupa Prosecutor's Office ng kasong reckless imprudence resulting to damage to property and multiple physical injuries. Alex Santos, Patrol ng Pilipino
02/14/2012 9:47 PM








issuing licenses to morons
just means that LTO should pay more attention and be more strict in issuing licenses to morons.
that aint an accident. umuulan, natural madulas. katangahan yan.