Lalaking tumilapon mula sa bus sa Skyway, malubha
Isa ang kapatid ni Ramil na si Rommel sa mga biktima ng aksidente sa Skyway kagabi.
Production engineer si Rommel at papasok na sana sa trabaho sa Laguna.
Kuwento ng kanyang kapatid, natutulog siya nang maganap ang aksidente kaya hindi siya nakakapit.
Kitang-kita naman sa CCTV ang pagtilapon ni Rommel sa bus. Nasa 20 talampakan ang binagsakan niya.
Nagkamalay na lamang daw ang kanyang kapatid nang nakahandusay na siya sa kalsada.
Suwerte raw na nabuhay ang kanyang kapatid.
Malubha pa rin ang lagay ni Rommel na nagtamo ng malaking hiwa sa ulo at malalalim na sugat sa iba't-ibang bahagi ng katawan.
Pero masama naman ang loob ni Ramil dahil tila hindi naaasikaso ang kanyang kapatid sa isang public hospital.
“Parang busy po ‘yung doktor na nag-assist, ang in-issue pa lang na gamot is antibiotic,” sabi ni Ramil.
Gusto sana nilang ilipat sa pribadong ospital ang kapatid pero sa pampublikong ospital lamang umano ang sakop ng insurance ng bus.
Kuwento naman ng isa pang biktimang guro na si Maria Mercado, nakaupo siya sa tabing bintana sa kanang bahagi ng bus, natutulog din siya at naalimpungatan nang magsigawan na ang mga pasahero.
Mabilis daw ang pagmamaneho ng driver.
“Nagising ako kasi pagewang-gewang na ‘yung bus... nagsigawan na ‘yung tao tapos nang bumangga na sa railing lalong sumigaw ang mga tao, tapos kinabig ng driver hanggang bumangga sa concrete barrier, hanggang tumumba na ‘yung bus. Parang end na namin lahat kasi hindi namin alam kung tatalon ng flyover,” sabi ni Mercado.
Nagtamo ng fracture sa kaliwang kamay si Mercado matapos madaganan siya ng limang tao nang tumaob ang bus.
Nakalabas na ng ospital si Mercado at nilagyan ng cast ang kanyang kaliwang kamay.
Bukod sa aksidente ng JAC Liner sa Skyway, dalawa pang pampasaherong bus ang nasangkot din sa aksidente kahapon.
Namatay ang isang lalaki matapos mapitpit sa pagitan ng dalawang bus sa northbound lane ng EDSA sa Quezon City.
Hinabol umano ng lalaki ang RBM bus para makasakay.
Aktong sasabit sana sa bus pero dahil sa likod ng Metrolane bus siya dumaan, hindi siya napansin kaya siya naipit. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino
02/14/2012 9:50 PM







