Nagbebenta ng gamit pang-'text blast,' ni-raid


Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng mga operatiba ng NBI Technical Investigation Division ang isang opisina sa V.V. Soliven complex sa San Juan.

Na-recover sa opisina ang mga GSM device na ginagamit umano ng kumpanya sa pag-text blast. Sa pamamagitan ng software at device na ganito, nakakapag-send ng milyong text message sa isang padala lamang.

Hindi registered sa National Telecommunications Commission ang mga GSM device.

“They are actually selling equipment and apparatus which are being used for purposes of conducting text blasts,” sabi ni Palmer Mallari ng NBI.

Inimbitahan ng NBI ang umano'y may-ari at staff ng ni-raid na kumpanya.

Una nang nagreklamo ang Globe Telecoms sa NBI. Ayon sa Globe, puwede umanong magbayad sa kumpanya kung gustong magpa-text blast bukod pa sa nagbebenta rin sila ng mga GSM device.

Ani Globe Security Director Ronald Uychutin tungkol sa nagagawa ng device, “millions of messages in one sending, naka-queue na yan.”

Kaya naman parokyano raw ang mga politiko at political parties ng mga ganitong text blast para sa kanilang political messages o propaganda; gayundin ang mga gustong mag-advertise sa text, promotional offer.

Ang masaklap pa, ito na rin ang ginagamit para maramihang makapag-send ng spam messages na ginagamit para makapanloko tulad ng loan, bogus raffle notification at solicitation messages.

“Magpapadala sila ng mga messages saying na nanalo ka ng various promos coming from different organizations,” sabi ni Uychutin.

Ayon sa awtoridad, isang paraan para malaman kung spam messages ang natanggap, dapat ay lehitimong promotional o subscriber advisories mula sa telecommunications companies na kalimitan ay 3 o 4 digit number.

Spam message kapag galing sa 11-digit number. Iniimbestigahan pa ng NBI ang reklamo. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino

02/14/2012 10:55 PMBookmark and Share