May-ari ng Porsche na gamit ng Customs clerk, iniimbestigahan na rin


Ito ang Porsche na minamaneho ng Customs clerk na si Paulino Elevado nang habulin at paputukan umano niya ang sasakyan ng estudyanteng nakaalitan niya sa trapiko.

Ilang araw matapos ang pangyayari, natagpuan ang Porsche sa bahay ng isang isang Reynovitch Reyes sa Quezon City.

Ayon sa LTO, nakapangalan kay Reyes ang luxury car na isang 2006 model ng Porsche.

Una nang itinanggi ni Elevado na sa kanya ang kotse at sinabing inia-ahente lang niya ito.

“Ide-demo lang po ‘yun, sir. Papunta pa lang [yung buyer]” sabi ni Elevado.

Pero sa video na inilabas ng ABS-CBN, nahagip ang isang nakaparadang Ferrari sa bahay ni Reyes na tumawag sa pansin ni Customs Commissioner Ruffy Biazon.

Kaya’t iniutos niyang imbestigahan din si Reyes na may negosyong buy-and-sell ng mga imported luxury cars.

At sa bisa ng isang mission order, pinasok ng mga tauhan ng Customs ang showroom ni Reyes.

“Ang instruction ay i-check ang lahat ng sasakyan, imported cars na na'ndito to check kung may pinagbayaran na ng duties at taxes,” sabi ni Bien Rubio, team leader ng Bureau of Intelligence.

Ayon sa Customs, bibigyan si Reyes ng pagkakataong patunayan kung kumpleto ang mga binayarang duties and taxes ng mga sasakyan.

Sa deklarasyon ng Auto Klasse sa Customs, lumilitaw na halos consignment daw ang mga kotseng nakaparada sa naturang showroom. Pero sa tala ng Land Transportation Office, hindi bababa sa 10 luxury cars ang nakapangalan sa isang Reynovitch Reyes.

Pero ayon sa Customs, ‘di lang ang tax payment ang susuriin kundi ang posibleng pagtatakip kay Elevado.

Sa kanyang text message, itinanggi ni Reyes na kilala niya si Elevado. Masama rin ang loob niya dahil nadadamay siya sa problema nito. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino

02/15/2012 11:06 PMBookmark and Share