Libu-libo nagparehistro bilang Bayang Patrollers sa EDSA
Kapit-dilim na pero matiyaga pa rin ang pagpila rito ng mga nais maging Bayan Patroller dito sa may EDSA Shrine. Makikita na hanggang dito sa dulo ay punung-puno pa rin ng tao.
Ito raw kasi ang paraan nila para ipakitang sa sarili nila magsisimula ang pagbabago.
Sa kanan ko, puno ng mga larawan ng iba't-ibang eksenang naganap sa EDSA People Power mula sa larawan ng pakikibaka hanggang sa pagtamo na ng kalayaan ng ating bansa.
Isa si Lolo Ping sa unang nagrehistrong maging Bayan Patroller kanina. Soot niya ang itim na t-shirt na may mukha ni Ninoy.
Kuwento niya, ang t-shirt na ito ang siya rin niyang suot 25 taon na ang nakakaraan nang isa siya sa mga taong sumugod sa EDSA at sumisigaw ng kalayaan.
Makalipas ang mahabang taon, hindi lang daw ang t-shirt na ito ang naitago niya -- maging ang alaala ng EDSA People Power na hanggang ngayon ay emosyonal pa rin siyang pag-usapan.
“Naalala ko, buhay namin, inaapi ang kapwa Pilipino, buong pamilya ko. Kaya nagagalak ako...history ito sa buong daigdig,” sabi ni Lolo Ping.
Kahit nag-iisa at sumasakit na ang tuhod, pinilit din ni Mang Domingo Manansala na pumunta ngayon sa EDSA, bitbit ang larawang ito na nagpapatunay na dati siyang pulis na nagbantay sa Crame sa kasagsagan ng kaguluhan.
“Gusto ko naman magunita ang pinaghirapan namin,” sabi ni Mang Domingo.
Samantala, simula kaninang 5 a.m. hanggang sa mga oras na ito ay umabot na ng mahigit 2,000 ang rehistradong Bayang Patrollers.
Ngayon, mahigit 1,000 pa ang nandito pero ang pangako namin sa kanila, hindi kami aalis hangga’t hindi sila natatapos magparehistro para silang lahat maging certified Bayang Patrollers. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino.
02/25/2011 10:32 PM







