Hazard mapping hiningi bilang paghahanda sa lindol


Posibleng matulad ang Metro Manila sa sinapit ng mga bansang Haiti at New Zealand sa pinakahuling pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency o JICA.

Anumang oras daw ay maaaring magkaroon ng magnitude 7 earthquake sa Metro Manila.

Sa ganitong kalakas na lindol, tinatayang mahigit 30,000 residente ang mamamatay. Masisira naman daw ang 170,000 kabahayan.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum, mahigit 200 taon nang hindi gumagalaw ang East at West Valley Fault.

Mas mahaba daw ang fault line, mas malakas ang dating nito.

"Nagsisimula ito sa Bulacan area tatagos ng Rodriguez (Quezon City), Marikina Area, papuntang Pasig, easternmost Makati, bandang Taguig papuntang Muntinlupa, San Pedro, Biñan hanggang Calamba," aniya.

Ang Metro Manila ay nagtataasan ang mga gusali. Ayon kay Architect Jun Palafox, mas ligtas pa dito kumpara sa mga mabababang gusali.

Mas delikado naman ang mga gusaling nakatayo mismo sa ibabaw ng fault.

Dahil dito, nanawagan ngayon si Architect Palafox na maglabas ng mapping sa Metro Manila.

"Number one most immediate action na kailangan ay hazard mapping. Kung available man, dapat i-publish nila," aniya. Noli de Castro, Patrol ng Pilipino