EXCL: Australyano, 10 araw nawawala mula sa NAIA


Dumulog sa PNP Aviation Security Group ang 27 anyos na si Venis Jane Galvez para i-report ang nawawalang 55 anyos na banyagang si Michael Martin Caruana. Si Caruana ay isang Australian.

Ayon kay Galvez, dumating si Caruana noong Marso 17 sa Pilipinas dahil nakatakda silang ikasal ngayong Marso 29 sa Bulacan.

Problema, nahuli sila sa pagsundo dahil sa sobrang trapik. Dahil diyan, nangangamba siya sa kaligtasan ng kanyang mapapangasawa.

“’Yung fear ko, talagang parang mayroon talagang kumuha, or something like that na kidnapping,” ani Galvez.

Batay sa record ng Bureau of Immigration, kumpirmadong dumating ng bansa si Caruana noong Marso 17 sa oras na 8:44 ng gabi. Sakay si Caruana ng Singapore Airlines flight SQ918.

Hindi rin ito ang unang arrival ni Caruana sa bansa, dahil bumisita na ito sa kasintahan noong Enero 16, 2012.

May record pa sa CCTV ng NAIA Terminal 1 ang pagdating ni Caruana. Nakita si Caruana bago ang immigration area at ang isa naman ay habang papunta siya sa arrival extension.

Ayon sa PNP, hindi nila inaalis ang anggulong dinukot ang banyaga.

“Posibleng pag-interesan na siya nu'ng taxi driver kasi foreigner, wala pang alam dito sa Pilipinas," sabi ni Sherwin Somido ng PNP Aviation Security Group.

Pinag-aaralan na ng PNP ang CCTV dahil posibleng may Pinoy aniyang kausap si Caruana.

Kung merong impormasyon ang publiko, maaring makipag-ugnayan sila sa tanggapan ng Aviation Security Group ng PNP. Alex Santos, Patrol ng Pilipino

03/28/2012 12:39 AM