EXCL: 1 pang deaf kidnapping case ikinabahala ng PNP

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Isang araw matapos ibulgar sa TV Patrol ng deaf honor student na si "Aubrey" ang modus operandi ng binansagan nilang 'Kidnap Pipi Gang' na bumibiktima ng mga batang may kapansanan para gawing sex slaves at mga pulubi, isa pang batang biniktima rin ng grupo ang nakilala ng ABS-CBN.

Kuwento ni Kay o alias "KC,” tatlong buwan siyang ginawang sex slave at pulubi matapos siyang dukutin malapit sa kanyang eskuwelahan sa Commonwealth, Quezon City noong isang taon.

Ayon pa sa kanya, may walong iba pang bata na may kapansanan din ang hawak pa diumano ng sindikato.

“Inalisan daw sila ng mga panty, ng mga bra. Tapos ang mga nakakulong, walang mga damit. Pinapalabas sila, hinihila ang buhok nila,” ani KC.

Naalarma naman ang Philippine National Police (PNP) sa naging pahayag ni KC kaya't agad bumuo ng task group para hanapin ang mga miyembro ng sindikatong bumibiktima sa mga batang may kapansanan.

“Dapat sila ang inaalagaan kaya sa narinig ko na ginawa sa kanila, talaga namang nakakasakit ito ng damdamin,” sabi ni PNP Chief Nicanor Bartolome.

Isang helpline desk din na may numerong 09197777377 o 4103213 ang puwedeng tawagan para i-report ang anumang pang-aabuso sa mga batang may kapansanan.

“You’re encouraged to report to us sa police, especially sa mga women’s desk sa mga istasyon, we will give them actually more attention especially on investigation, interviews to victims,” sabi ni Senior Supt. Theresa Ann Cid, hepe ng Women and Children Protection Center ng PNP.

Hihingi na ng tulong ang mga pulis sa mga accredited translators na marunong mag-sign language para makunan ng pahayag ang mga batang naging biktima at mabigyan sila ng boses laban sa kriminilidad. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino

03/27/2012 11:44 PM