1 killed in Galleria shop rob try

Posted at 03/29/2012 10:17 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Target ng mga holdaper ang mga empleyado ng Security Bank na nagde-deliver ng pera sa ilang money changer sa loob ng Robinson’s Galleria.

Lumalabas na sinundan ng mga suspek sa loob mall ang mga teller at security na nagdadala ng pera at saka isinagawa ang pagnanakaw.

Tadtad ng mga tama ng shrapnel mula sa sumabog na granada ang lagusan ng Robinson’s Galleria sa Quezon City.

Dito raw tumakbo ang dalawa sa mga suspek matapos mang holdap sa loob ng mall.

Pero bago sila tumakas sakay ng motorsiklo, nagawa pa nilang maghagis ng dalawang granada.

Ang isa ay hindi sumabog at dinispatsa ng rumespondeng bomb squad.

Bandang 10 a.m. kanina nang pumasok ang mga suspek ng mall at pinuntirya ang isang team ng Security Bank na magde-deliver sana ng pera sa Sanry's Money Changer.

Dead on arrival sa ospital ang security guard na si Rodrigo Villa samantalang kritikal naman ang kasamahan niyang si Roderick Reloso.

Nasugatan din ang mga bank teller na sina Vincent Mangatura at Leah del Mundo.

Samantala, tatlo pa ang nagtamo ng minor injuries mula sa pinasabog na granada.

Paniwala ng isang testigo, propesyunal ang mga suspek dahil sa bilis ng kanilang kilos.

“Paglabas ko sa lotto, tiniklop ko ang tinayang ticket. Maya-maya may pumutok tapos may sumigaw. Tapos sabay sabing ‘Dapa, dapa, dapa,’” kuwento ng isang testigo.

Hindi rin daw bababa sa tatlong lalaki ang gumawa ng krimen.

“Dala dala ang bag [laman ang pera],” sabi ng testigo.

Ayaw pang kumpirmahin ng mga awtoridad kung may natangay ngang pera ang mga suspek.

Pero palaisipan pa raw sa kanila kung paano nakapasok sa mall ang mga holdaper.

“Ang na-gather ko sa operations manager ng Robinson’s na sa tingin niya naka-uniporme. Pero sa kaguluhan, we do not know yet if that is the exact description,” sabi ni Chief Supt. Mario dela Vega, direktor ng Quezon City Police District.

Giit naman ng management ng mall, walang pagkukulang sa kanilang seguridad.

“The two persons in tandem were armed. They forcibly entered our mall,” sabi ni Rose Anne Villegas ng Robinson’s Land Corp.

Matapos ang insidente, nagsara ang mall kaninang umaga pero nagbukas din bandang tanghali.

Pinag-aaralan pa ng mga awtoridad ang CCTV footage sa loob ng mall para matukoy kung ano talaga ang nangyari at para makilala ang mga suspek.

Sa isa namang pahayag na inilabas ng Security Bank, siniguro nitong makikipagtulungan din sila sa pulis sa imbestigasyon.