Pati special trip punuan na sa Araneta bus station

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ito ang unang pagkakataon ni Sally Chua na sumakay ng bus papuntang Tuguegarao.

Nakansela kasi ang kanyang flight.

Sinubukan nyang mag-rebook pero puno na ang mga airline.

“I was rebooking for tomorrow, fully-booked daw sila,” sabi ni Sally.

Ang iba namang chance passenger, hindi inasahang makakalibre agad sa trabaho kaya biglaan ang pagbiyahe.

Pero ang resulta, mahabang hintayan sa mga bus terminal.

Si Joan Quintal, alas-7 pa ng umaga naghihintay sa Araneta Bus Station dahil naka-waiting list at naghihintay ng mababakanteng upuan sa bus para makauwi ng Virac, Catanduanes.

“Nine hours na kami nag-iintay dito ng bus, kasi 3 days na ako tumatawag fully booked daw sila. Ngayon parang chance passenger kami. Aantayin nalang namin, hindi na kami uuwi,” sabi ni Joan.

Ang nanay ni Joan na si Nida, hihiwalay na lang ng biyahe at nagdesisyong sumakay ng ibang ruta.

“Grinab ko nalang kasi hindi ako makauwi. Anyway, 7 a.m. pa naman bukas ang ferry papuntang Virac, kaya mahahabol,” sabi ni Nida.

Ayon naman sa mga kumpanya ng bus, hindi na talaga puwedeng mamili ng iskedyul dahil punuan na rin maging ang mga special trip nila.

“Pagdating ng bus tapos may no-show, tsaka lang sila makakasakay,” sabi ng isang bus operator.

Inaasahang dadami pa ang mga pasahero sa terminal habang papalapit ang Semana Santa.

Kumpiyansa naman ang Malacañang na sapat ang ginawang paghahanda ng iba't-ibang ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nagpulong na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council para siguraduhing handa na ang iba't-ibang ahensya ng gobyerno.

Siniguro rin umano ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na may nakalatag na planong pangseguridad mula sa mga terminal ng pampublikong sasakyan, paliparan, pantalan at tourist spots.

Karamihan sa mga pasahero dito, wala nang uwian dahil ‘yung iba sa kanila ayaw na ring gumastos pa sa pamasahe kung uuwi at magpabalik-balik pa.

Sa nakikita naman natin ay may sapat na police visibility sa terminal para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
 

03/30/2012 9:47 PM