EXCL: Pagdating ng mga salarin sa Aguirre attack, kuha sa CCTV

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Nakaligtas ang negosyanteng si Bobby Aguirre nang pasukin ng mga armadong suspek ang compound nila sa BF Homes Las Pinas nitong Sabado ng gabi.

Pero patay sa pamamaril ang tatlong security personnel niya. Sa kuha ng CCTV, dalawang kotse, isang motorsiklo at isang taxi ang magkakasunod na pumarada sa harap ng gate.

Sa tantiya ng pulis, hindi bababa sa 10 suspek ang pumasok sa gate, at sa loob ng halos tatlong minuto naisagawa ang krimen.

“Walang palitan ng putok. Ang mga pinutukan lang, mga biktima,” sabi ni Senior Supt. Romulo Sapitula, chief of police ng Las Piñas City.

Ayon pa sa imbestigasyon, posibleng puwersahang naitulak ng mga suspek ang gate nang buksan ito ng guwardiya.

“May bumusina, kaya tumayo ang guwardiya at pinuntahan niya ang gate. Walang silipan na puwede mong silipin muna," ani Sapitula.

Hindi pa rin malinaw sa pulisya kung kasama sa target ng mga suspek si Aguirre.

Pero isa sa tinitingnang anggulo ngayon ang awayan diumano sa pagitan ng napatay na guwardiya at dating tauhan ni Aguirre.

Ayon kay Sapitula, “May mga dating security diyan, pulis din, na nagkakasamaan sila ng loob.”

Iniwan naman sa compound ang motorsiklong ginamit ng mga suspek. Iginiit naman ng may-ari ng motorsiklo na na-carnap ito noong Sabado ng gabi.

Samantala, binatikos naman ng pulisya ang palpak na seguridad sa mga lagusan ng BF Homes.

Isa ang gate na ito sa posibleng pinasukan ng mga suspek. Pero ang sistema ng mga security guard dito para sa mga sasakyan na walang sticker ng subdibisyon, mabibigyan sila ng car pass kapalit ng lisensiya pero hindi nila inirirecord sa logbook ang plate number ng sasakyan at pangalan ng driver.

Katwiran ng mga guwardiya ng BF Homes, “Iyon po ang instruction sa amin, sa dami ng mga sasakyan na pumapasok dito.”

Nagpapasalamat naman si Aguirre na hindi siya nasaktan sa insidente, pero ikinalungkot niya ang pagkamatay ng tatlo niyang tauhan. Dominic Almelor, Patrol ng Pilipino.

04/09/2012 11:51 PM