Pamilya ng nasawing bumbero duda sa pagkasira ng footage


Ipinaubaya na ng pamilya Infante sa NBI ang imbestigasyon sa pagpatay sa fire volunteer na si Ronald Infante at ang mekanikong si Jenny Almanon. Naniniwala sila na inosente ang mga biktima.

Kanina nagbigay na ng salaysay si Mary Rose, ang misis ni Ronald.

Ngayong araw isinumite rin ng pamilya ng biktima ang ilang ebidensiya tulad ng mga damit na suot nina Ronald at Jenny. Dito umano malalaman kung ilang bala ang tumama sa kanila at kung gaano kalapit o kalayo ang pagbaril sa kanila.

Habang kinukunan ng litrato ng NBI-NCR ang mga ebidensiya, hindi napigilang mapaiyak ni Mary Rose. Tiwala naman ang ama ng biktima na malaking tulong ang mga ebidensya, lalo na ang CCTV recordings. Pero nadismaya sila dahil may tangka umanong sirain ito ng Makati PNP.

Ayon sa manager ng Makati View Apartelle, na-corrupt o nabura na ang hard disk ng CCTV dahil sa pagkalikot umano ng tatlong pulis Makati na nagpakilalang mga imbestigador.

“Bakit nila sisirain? Anong gusto nilang mangyari? I-cover- up nila?” ani Romualdo Infante, ama ng biktima.

Ayaw namang kumpirmahin o pabulaanan ng NBI na may kopya sila ng CCTV recordings. Pero ayon sa source ng ABS-CBN News sa NBI, nasa kanila na ang video at napanood na nila ito.

"Doon natin makikita kung talagang may rub-out o talagang legitimate ‘yung operation,” sabi ni Atty. George Jularbal, regional director ng NBI-NCR.

Nauna nang pinabulaanan ng Makati PNP na tinangka nilang sirain ang CCTV recordings.

Kanina, iniutos na ng Southern Police District ang malalimang imbestigasyon sa alegasyon ng cover-up.

Handa naman ang Makati PNP na iharap sa NBI ang dalawang pulis na ipina-subpoena para sa gagawing imbestigasyon bukas. Alex Santos, Patrol ng Pilipino

04/12/2012 11:53 PM