Eroplano hindi pinalipad dahil sa salitang 'sumabog'

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

“Sumabog na kung sumabog.” Iyan ang eksaktong sinabi ng pasahero habang nasa loob ng eroplano.

Hindi pa ito nakakalipad at nakaparada pa sa kanyang designated bay.

Nabanggit daw ang mga katagang ito dahil sa sama ng loob sa isa pang pasahero.

Bandang ala-una ng hapon sumakay ang pasahero ng Air Philippines sa Terminal 3 papuntang Puerto Princesa sa Palawan.

Dahil late silang nag-check in, nagkahiwa-hiwalay ang kanilang upuan.

Pero dahil batay daw sa kanilang relihiyong Islam, hindi puwedeng makatabi ng mga babae ang ibang lalaki lalo't hindi ito anak o asawa.

Nakiusap sila sa isang pasaherong lalaki para magkatabi ang mga babae pero tumanggi raw ito.

Pinakiusapan na rin ng stewardess ang lalaking pasahero pero hindi pa rin pumayag.

Kaya ang ginawa ni Imam Hamadsuru Lapungan ay pinakarga niya sa kanyang asawa ang anak na babae at saka nagsalita na "sumabog na kung sumabog."

Natakot daw ang lalaki at saka umalis ng upuan.

Dito na pinigil ang eroplano at pinababa si Imam Hamadsuru pero sumama na rin ang anim pa niyang kasama.

Lahat ng bagahe sa eroplano ay chineck muna ulit bago ipinagpatuloy ang biyahe.

Pupunta sana sila ng Puerto Princesa para raw ipagpatuloy ang pangangaral ng Islam sa ilang kaibigan doon.

Tubo silang Marawi City pero mahigit 20 taon na rin daw silang naninirahan dito sa Metro Manila.

Pansamantalang pinigil ang pito sa tanggapan ng airport security habang iniimbestigahan.

“Kasi talaga hong very restricted na ang babae sa amin ay makatabi ng lalaki kasi big sin ho iyon. Nakikita niyo naman ho na nakapiring sila. Pero kung kasamahan niyong mga babae rin, puwede ho silang maghalubilo puwera lang sa lalaki,” sabi ni Farouk Capampangan, kasama ni Imam Hamsuru.

“Kumbaga po isang pagkakataon lamang na bakit hindi siya mapakiusapan. Napakasimple lang naman po, lilipat siya roon sa upuan na maganda naman, wala namang masama. Pinakikiusapan ng mga stewardess, ayaw mapakiusapan. Noong mabanggit ko ang ‘sumabog kung sumabog’ kasi kakalungan ang anak ko, saka sinabing doon siya lilipat,” sabi ni Imam Hamadsuru.

Ang pagsasabi ng anumang tungkol sa bomba sa loob ng airport o nang eroplano ay isang serious criminal offense na may parusang lima hanggang anim na taong pagkakakulong.

Itong batas na ito ay bunga ng pagbobomba sa World Trade Center sa New York noong September 11, 2001.

Hindi mahalaga kung biro o joke man ito o dala ng galit o tunay na pananakot basta’t nakapagsalita ka ng tungkol sa bomba tiyak na huhulihin ka kahit na nakalipad na ang eroplano.
 

04/12/2012 10:58 PM