Oil tanker bumangga sa kotse, motorsiklo, 1 patay


Hindi na nakarating ng opisina si Constino Ociel matapos mabangga at maipit ng isang oil tanker kaninang umaga.

Namatay si Constino at naulila ang asawa niyang si Nilda at anim na anak.

“Naisip ko paano ang pag-aaral ng mga anak ko, lahat sila nag-aaral. Sana mahuli [ang may kasalanan],” sabi ni Nilda.

Ayon sa mga nakakita, pababa ng Lambingan Bridge ang oil tanker nang bigla itong mawalan ng kontrol.

Nabangga ang kotse sa kabilang lane bago tinamaan ang motorsiklong sinasakyan ni Constino.

Natigil lang ang tanker nang bumangga ito sa isang hardware store.

“Noong nakita kong lumampas, nakita ko tumalsik ang mga parts ko eh, bumper ko tumalsik. Noong nakita ko nga may patay eh,” sabi ni Dan Raquid, driver ng nabanggang kotse.

Pinaghahanap ng pulisya ngayon ang tumakas na truck driver na naiwan pa ang kanyang lisensya.

Tapos na ang aksidente pero biglang kinabahan ang mga taga-roon nang umusok ang radiator ng tanker na may dalang gasolina.

Kanya-kanyang labasan ng mga fire extinguisher ang mga taga-roon.

“Kung sumabog, nandoon lang kami sa likod. Madidisgrasya ang mga nandito, iyon lang ang takot namin,” sabi ni Oca Ocampo, residente.

Rumesponde naman ang mga bumbero pero natagalan pa bago mapatay ang makina ng tanker.

Pero kahit may peligro, hindi pa rin nag-alisan ang mga usisero.

Higit tatlong oras na pero hindi pa rin naalis ang oil tanker sa may Lambingan Bridge kaya naman naging mahigpit na ang traffic dito at siyempre ay nariyan pa rin ang peligro at ang pangamba ng mga residente.

Maya-maya, dumating ang tow truck ng lungsod ng Maynila pero agad umatras nang makitang hindi kakayanin ng kanilang panghatak.

Makalipas ang limang oras, saka lang dumating ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority para hatakin ang oil tanker.

Paliwanag nila, hindi raw sila agad nasabihan na may kailangang hatakin na tanker kaya't inabot ng siyam-siyam ang naging pagresponde. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino

04/16/2012 10:01 PM