Pulis huling tulog sa camera habang raliyista palapit sa US Embassy

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Malayang nalusob ng mga militante ang tanggapan ng US Embassy sa Roxas Boulevard kaninang dakong alas-6 ng umaga.

Nagawa ng mga militanteng na mag-spray paint sa mismong gate ng embassy, tinuklap ang mga letra sa logo at nakapagsunog pa ng bandila ng Amerika.

Kinukondena ng grupo ang pagbubukas ngayon ng Balikatan exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Maya-maya pa ay dumating ang mga pulis at dito na nagkagirian ang dalawang panig.

Habang nagaganap ang pagtatalo ng mga pulis at militante, ekslusibong nakunan ng News team si PO3 Arnel Joson na mahimbing pa ring natutulog sa loob ng kanyang mobile.

Sabi ng kanyang kasamahan ng pulis na tumangging humarap sa camera, kung nai-report lang sana ng natutulog na pulis ang pangyayari ay baka raw napigilan pa ang mga raliyista.

Ayon sa mga opisyal ng Manila Police District (MPD), sinabi ni Joson na nakita niya ang buong pangyayari sa US Embassy kanina at tumangging natutulog siya.

Gayunpaman, balak ng pamunuan ng MPD na humingi ng kopya ng video bilang ebidensya.

Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Police Community Precinct sa Roxas Boulevard habang sumasailalim sila ni Joson sa imbestigasyon.

“Kung talagang natutulog ay hindi tayo papayag na naka-duty sila at natutulog sila. Kaya nga sila inilagay doon para maging alerto anumang oras,” sabi ni Chief Supt. Alejandro Gutierrez, direktor ng MPD.

Kaya dakong alas-10 ng umaga kanina, full force naman ang mga pulis nang lumusob naman ang grupong Courage sa US Embassy.

Ayon naman sa US Embassy, karapatan ng mga militante na ihayag ang kanilang saloobin at pagpapatunay daw ito ng demokrasya sa bansa.

Pinaigting naman ng pulisya ang seguridad sa US Embassy para hindi maulit ang nangyari. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino

04/16/2012 10:04 PM