EXCL: Buto ng tao nahukay sa simbahang sakop ng Bilibid

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Bumulaga sa mga tauhan ng New Bilibid Prison ang mga pira-pirasong buto ng tao dito sa loob ng simbahan ng Seventh Day Adventist.

Nahukay ng mga preso ang mga buto sa likurang bahagi ng simbahan na sakop ng maximum security compound.

Batay sa laki at hugis, mga buto ito sa parteng paa ng tao. Ayon sa NBP, may pahintulot ang paghuhukay ng mga preso dahil sa ginagawang gusali rito.

Humigit-kumulang 20 taon na itong simbahan ng Seventh Day Adventist dito sa loob ng maximum security compound ng NBP. Pero dahil inilipat na sila sa ibang lugar, ibinigay na ito sa Chinese community bilang pagtatayuan ng bagong nilang Buddhist temple.

Hindi naman isinasantabi ng NBP ang posibilidad na may krimeng naganap sa loob ng Bilibid at dito na ibinaon ang biktima.

“Kinakailangan talaga na malaman namin kung ano ang dahilan kung bakit may buto ng tao diyan sa loob ng simbahan,” sabi ni Danilo Dador, commander of the guards sa New Bilibid Prison.

Natagpuan din malapit sa mga buto ang isang kinakalawang na patalim. Ayon sa Muntinlupa PNP, posibleng ito ang ginamit sa krimen.

Napag-alaman din nila na isang presong nagngangalang Rolly Bintic Sarona mula Negros Occidental ang nawala noong 2006 at hindi na muling nakita.

Ipinag-utos na ng PNP ang DNA testing sa mga buto para malaman kung ang mga ito ay kay Sarona.

“Ang next na gagawin natin ay alamin ang cause of death. Medyo mahihirapan because it happened almost six years ago,” sabi ni Porfirio Calagan, chief ng Muntinlupa City PNP.

Naniniwala naman ang presong si Mang Jimmy na posibleng marami pa ang butong nakalibing sa lugar na kanilang pinaghuhukayan. Alex Santos, Patrol ng Pilipino

04/17/2012 11:52 PM