EXCL: Australia's most wanted kinasuhan ng rape sa Pilipinas


Nitong Biyernes, hinuli ng magkasanib na puwersa ng Bureau of Immigration at PNP sa kanyang tahanan sa Ayala, Alabang ang isa sa itinuturing na most wanted criminal sa Australia na si Brett Ronald Maston.

Nahaharap si Maston sa patung-patong na kaso sa Australia kabilang na ang paglimas sa pera ng second largest bank doon at illegal possession of guns.

Ayon sa Immigration Bureau, tinakbuhan ni Maston ang mga kasong ito at dito sa Pilipinas marangyang namumuhay at nakipagkaibigan sa ilang kilalang tao sa gobyerno.

Pero hindi lang pala siya sa Australia may atraso, dahil kinasuhan din ng rape si Maston sa Makati police.

Ayon sa salaysay ng biktima, ginahasa siya ni Maston noong gabi ng May 6, 2011 sa loob mismo ng bahay ng Australyano sa Three Salcedo Place sa Makati.

Nilagyan daw ng pampatulog ang beer na pinainom sa kanya ng amo.

Ang problema, biglang naglaho ang nagrereklamo nang isasampa na ng pulis ang kaso sa piskalya.

“Hindi naman puwedeng pipilitan sila na i-file ‘yan. Nasa sa kanila po ang desisyon. Several calls na ang ginawa ng imbestigador, hindi na po siya bumalik,” sabi ni Senior Insp. Shirley Bao.

Posible raw na inareglo na ang kaso.

“Malamang na hindi na siya willing mag-file ng case kasi baka nagkausap na sila nitong nirereklamo niya,” ani pa ni Bao.

Pero pwede pa ring mahabol si Maston sa kaso.

Tiniyak naman ng pulisya, sakaling magbago ang isip at muling lumantad ang sinasabing biktima ng panghahalay, ang kasong rape laban sa Australyanong si Brett Ronald Maston ay muling mabubuhay.

Kaya lang, baka mahuli na ang lahat dahil susunduin na ng Australian Federal Police si Maston sa darating na Sabado para panagutan ang kanyang mga kaso sa naturang bansa. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino
 

04/18/2012 11:34 PM