PAGASA: Init mas titindi pa


Ayon sa PAGASA, karaniwang pumapalo sa 35 degrees celsius ang nararamdamang init ngayon sa Metro Manila.

Pero ito ay kung nasa liliman o nasa loob ng bahay.

Kapag nasa kalsada at direktang nakabilad na sa arawan, nasa 38 degrees celsius na ang nararamdamang temperatura.

Pinakamainiit naman sa Cabanatuan kahapon na nasa 38 hanggang 41 degrees celsius ang naitalang temperatura.

Sabi ng PAGASA, asahan na ang mas mainit na panahon sa mga susunod na linggo.

“Base sa ating recorded data, ang pinakamataas na maximum temperature ay sa May nangyayari,” sabi ni Aldczar Aurelio, weather forecaster ng PAGASA.

Kaya naman iba’t ibang paraan ang ginagawa ng mga Pinoy para magpalamig.

Kung sa Pansol, Laguna ay sikat ang mga resorts, sa Barangay Pansol sa Quezon City ay patok na patok ang sapa na pinaliliguan ng ilang kabataan.

Alam nilang marumi ang tubig na nanggagaling sa drainage ng swimming pool pero hindi na raw kasi nila makayanan ang matinding init.

“Summer po eh, isipin na lang namin Boaracay,” sabi ng batang si Marcel Broma.

Ilan din ang naliligo sa Tumana River.

“Nag-e-enjoy lang po kami para hindi kami mainitan,” sabi naman ng batang si Darwin Junio.

Kung nag-e-enjoy ang mga kabataang ito, hirap naman sa pagkilos ang mga matatanda sa Golden Acres sa Quezon City dahil sa matinding init.

Si Lola Lourdes, dalawang beses na naliligo sa isang araw at dinagdagan pa ang paginom ng tubig.

“Kaya lang ihi naman ng ihi sa gabi. Minsan 13 glasses of water a day ako eh,” sabi ni Lola Lourdes.

Todo-bantay din ang doktor doon dahil malaki raw ang epekto ng matinding init sa kalusugan ng matatanda.

“Ang mga stroke patients namin, puwedeng maulit na ma-stroke sila dahil sa pagtaas ng BP,” sabi ni Dr. Charito Malibira.

Nagdagdag na ng mga electric fan at mga water dispensers ang pasilidad pero hindi pa rin ito sapat.

Nakatakdang ilipat ang Golden Acres sa Tanay, Rizal kung saan mas malawak at mas presko ang lugar. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino

04/18/2012 10:09 PM Bookmark and Share