Hapones, nagreklamong ikinulong dahil sa 'lagay'


Isang buwang nasadlak sa kulungan ang Japanese na si Yukiya Haga. Pumunta lang siya umano sa Pilipinas para mag-invest sa real estate, pero inaresto siya ng Manila police noong March 19 dahil inireklamo raw siya ng pangangahasa sa isang Pilipina.

Humingi siya ng tulong kanina kay Manila Mayor Alfredo Lim.

Sumbong ni Haga, wala siyang kasalanan. Ikinulong lang daw siya matapos hindi maibigay sa mga pulis ang hinihinging suhol na P1 million.

“Nagde-demand ng imbestigasyon ang consul, na how come this happened to a Japanese tourist,” ani Lim.

Paliwanag ng mga pulis, isang Racquel Eustaquio umano ang nagsampa ng reklamong rape.

Pero natunton na pala ng Japanese embassy ang Racquel Eustaquio na sinasabi ng mga pulis na biktima. Sa isang sworn statement, sinabi nitong hindi raw siya na-rape. Ni hindi nga raw nya kilala ang Hapon.

“Hindi ako kailanpaman naging biktima ng panggagahasa ng sinuman,” sabi niya sa statement.

Inutusan ni Lim ang mga pulis na iharap ang sinasabi nilang nabiktima ng Hapon.

Ayon kay Lim, “Kung tunay na nagkaroon ng rape, ako mismo ang aaksyon dito para malaman nila kung paano sa bayan nito pero kung wala naman…di tayo kumokonsinte sa mga frame-up-frame-up.”

Pinaiimbestigahan na rin ni Lim ang Manila Police Station 5 para malaman kung sino ang mga pulis na umano'y nangikil.

Para kay Haga, ngayon lang daw siya ulit nabuhayan ng pag-asa na makalaya't mapawalang-sala.

“I can see the hope, so in the future, I would like to come back to this country,” aniya.

Noong Pebrero, apat na Koreano ang nagreklamo na dinukot ng ilang pulis-Maynila at kinikilan. Nito lamang Abril 7, dalawang pulis na mula rin sa Manila Police Station 5 ang inakusahan ng pangingikil ng dalawang Koreano. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino

04/23/2012 9:50 PM