MMDA gustong buksan ang daan sa subdivisions

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Bukod sa tatlong malalaking unibersidad, marami ring subdivision sa Katipunan Avenue.

Ang resulta, matinding trapik lalo na tuwing may pasok at rush hour.

Ang U-turn slot sa may Petron ang pangunahing inirereklamo ng mga taga-La Vista Subdivision.

Lahat kasi ng galing Ateneo at Miriam College ay dito nag-U-uturn.

“Ang U-turn na iyon ay very tempting sa mga pasaway na nagko-cross. Prone siya to accident,” sabi ni Francisco Josef, representative ng La Vista Homeowners Association.

Kaya simula sa Lunes, isasara na ang nasabing U-turn slot at bubuksan na lang ang U-turn sa tapat ng Ateneo.

Mananatili rin ang U-turn slot sa C.P. Garcia sa University of the Philippines.

Pero bukod dito, may panukala rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na buksan ang mga daan sa ilang subdivision.

“Para hindi na sa main roads dadaan kung kailangan lamang kapag rush hour,” sabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino.

Tutol naman ang ilang homeowners sa panukala.

Inaalala kasi nila ang seguridad ng mga subdivision.

Dito sa Katipunan Avenue, panukala ring buksan ang campus ng Miriam College at Ateneo sa trapiko pero nagdadalawang isip ang Miriam College.

“Our roads are not that wide for us to be able to accommodate vehicles coming from other communities,” sabi ni Cynthia Morales, direktor ng Administrative Services Division sa Miriam College.

Pabor naman dito ang maraming motorista.

Ayon sa Miriam College at Ateneo, kokonsultahin muna nila ang pamunuan ng kanilang eskuwelahan.

Limang U-turn slots ang target isara ng MMDA sa linggong ito.

Balak din nilang kausapin ang mga homeowners ng iba pang subdibisyon tulad ng Valle Verde sa Pasig para masolusyunan ang problema sa trapik sa mga lugar na ito. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino

04/23/2012 10:33 PM