Paslit ligtas, mga magulang patay sa nakawan sa tindahan

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Bakas pa ang dugo sa sahig na ito. Dito walang awang pinaslang ng hindi pa nakilalang suspek ang isang mag-asawang negosyante sa Bagong Silang, Caloocan City kagabi.

Nagtamo ng mga saksak sina Andrew Lim at Chen Su Yu. Ang ginang, may senyales pa na pinukpok ng martilyo sa ulo.

Nagkalat din ang mga gamit. Ang hagdanan at kahon ng paninda, balot din ng dugo.

Ayon pulisya, bandang alas-8 ng gabi nang pasukin ang kanilang U2 general merchandise store habang papasara na ito.

Agad nakatawag ng responde ang katiwala ng mag-asawa kaya mabilis na nakarating ang mga pulis.

Bigo man silang maisalba ang mag-asawa, nailigtas naman nila ang tatlong taong gulang na anak nilang lalaki na hinostage umano ng suspek nang siya'y masukol.

“Nabitiwan lang po ‘yun, ta’s inagapan ko na lang. Ang akala nga ng mga pulis natin ay susuko, nanlalaban, pumuputok pa,” ani Mario Zulieta, tagapamuno ng purok.

“The moment na pinutukan tayo, ang normal course of action natin is to do return-fire,” ani Carlito Dimalanta, hepe ng Caloocan Police Station 3.

Aagad napatay ang suspek. Nabawi sa kanya ang isang laptop, at P16,000 cash, na hinihinalang nakuha niya sa mag-asawa.

Narekober din ang 38 na baril, isang kutsilyo, martilyo, at isang gunting na pawang balot ng dugo.

Teorya ng mga pulis, maaaring pinatay ang mag-asawa dahil hindi nila maibigay ang kumbinasyon para sa vault na ito na nasa ikatlong palapag.

Inaalam na ngayon kung nakunan ng CCTV ng tindahan ang krimen. Iniimbestigahan na rin kung may iba pang kasama ang napaslang na suspek.

Samantala, ligtas na sa pangangalaga ng pulisya ang batang hinostage na hindi na muna iniharap sa media para na rin sa kanyang kaligtasan. Raffy Santos, Patrol ng Pilipino

04/24/2012 11:28 PM