Heat stroke sinisilip sa pagkamatay ng lola

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sa masikip na bahay na ito nakatira si Lola Antonia Isaac; walang kisame at tanging yero lamang ang bubungan.

Kaya dumadaing na raw si Aling Antonia sa matinding init na kanyang nararanasan lalo pa at may dati na siyang sakit.

Kuwento pa ng kanyang apong si Roshelyn, ipina-check up nila siya kahapon dahil nagsuka ng dugo.

Kaninang madaling araw ay namatay na si Lola Antonia.

Paniwala ng kanyang pamilya, heat stroke ang ikinamatay niya.

“Lagi niyang sinasabi na napakainit. Siguro sa tensyon dahil high blood din po,” sabi ni Roshelyn.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center Hospital, suspected tuberculosis ang diagnosis kay Lola Antonia kahapon.

Hindi rin daw nila makukumpirma kung heat stroke ang ikinamatay nito.

“Maaari po siyang na-heat stroke pero hindi po kami nasa posisyon magsabi noon kasi hindi na po namin nakita ang patient pagkatapos,” sabi ni Dr. James Paul Garcia.

Muli namang nagbabala ang Department of Health (DOH) na huwag balewalain ang matinding init ngayon.

Ayon sa DOH, lahat tayo ay puwedeng maging biktima ng heat stroke pero lalong higit ang mga senior citizen dahil bukod sa mababa ang kanilang resistensya ay madali rin silang ma-dehydrate.

Sa panahong ito, hindi rin daw dapat iniiwan ang mga senior citizen na walang kasama lalo na 'yung may sakit.

“Sa aming mga observation, ang may mga tuberculosis, sila ang hindi comfortable sa ganitong klaseng panahon na mainit,” sabi ni Dr. Eric Tayag ng DOH.

Ayon pa kay Tayag, aalamin din nila kung si Aling Antonia ang kauna-unahang namatay sa heat stroke ngayong taon. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

05/01/2012 10:12 PM