Aprikano, dawit sa pag-rekrut ng Pinoy na drug mule


Si James Francis William ay isang Aprikanong tubong Ivory Coast. Tatlong taon na siyang naninirahan sa Singalong, Maynila.

Pero ayon sa PDEA, isa siyang miyembro ng West African drug syndicate na nagre-recruit ng mga Pilipina para maging drug mule.

“Liligawan sila tapos eventually, isasama sa ibang bansa, until such time na papadalhin na sila ng mga illegal drugs,” sabi ni Jeoffrey Tacio, director ng Special Enforcement Service ng PDEA.

Nito lamang Miyerkules paaalisin sana ni James patungo ng Africa ang isang Filipina para kumuha ng droga at dalhin sa bansang China.

Nakuha kay William ang 30 gramo ng shabu, ilang pasaporte ng hinihinalang mga Pinay drug mule.

“In the Philippines, I'm doing kitchen services. I never come in anything. Only I've bought ticket for Joy, for the lady. I never recruited her for anything,” ani William.

Sa kabila ng pagkakabitay ng apat na Pinoy sa China noong isang taon dahil sa iligal na droga, ayon sa PDEA ay may mga naaakit pa rin ang mga miyembro ng West African drug syndicate sa pamamagitan ng pakikipag-bolahan sa Internet.

“Huwag na huwag silang malilinlang, kasi magaling mambola 'tong mga 'to eh,” ani Tacio.

Sa ngayon 73 Pinoy pa ang nasa death row sa China. Pero dahil sa sigalot ng China at Pilipinas dahil sa Scarborough Shoal, hindi malayong lalong maghihigpit ang China laban sa mga drug mules. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino
 

05/05/2012 12:11 AM