2 hinihinalang holdaper patay sa shootout


Napuno ng takot ang loob ng pampasaherong bus na ito kaninang madaling araw matapos itong tangkaing holdapin ng 3 lalaki sa may Pasay Rotonda.

Bakas pa sa mukha nila ang matinding trauma.

“Tinutukan na lang po ako sa tagiliran tapos ang sabi po sa amin ‘Itakbo niyo lang, pare, itakbo niyo lang. Huwag kayo hihinto,’” sabi ng isang pasahero.

Sumakay diumano ang mga suspek sa kanto ng FB Harrison at Cuneta at agad tinutukan ng baril ang driver.

“Pagsakay, sir, doon lang po sila sa harapan, sabay tinutukan po ako at ang konduktor ko,” sabi ng bus driver.

Nagkataon namang sakay din ng bus si PO1 Melvilyn Lazzingan.

Hindi muna niya pinaputukan ang mga holdaper sa takot na madamay ang iba pang pasahero.

“Nang makita ko ang baril, nakahawak na rin ako sa baril ko. Kaya lang naisip ko ang bata,” sabi ni PO1 Lazzingan.

Nagkaroon ng komosyon sa loob ng bus na napansin ng mga pulis sa labas.

Ayon sa bus driver, dito mismo sa tapat ng Taft station ng MRT sumakay ang isang hindi unipormadong pulis na siya diumanong nagpaputok sa mga holdaper.

Patay agad ang suspek na nakilalang si Robert habang dead on arrival sa ospital si Ronaldo Salazar.

Nadakip naman ang pangatlong suspek na si Hernan Martinez.

Lumalabas sa imbestigasyon na nauna palang plinanong looban ng 3 ang general merchandise store na ito pero nabulilyaso matapos tumunog ang alarm.

Kaya naman napagbalingan nila ang bus at ginamit ang mga armas na natangay nila sa mga guwardiya ng tindahan sa tulong ng kasabwat na guwardiya na si Reno Royo.

Samantala, wala namang nasaktang pasahero ng bus. Jerome Lantin, Patrol ng Pilipino