Suspek sa carnapping at frustrated murder, nadakip

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Binulaga ng pinagsanib-puwersa ng Highway Patrol Group at Anti-Carnapping Division ng Caloocan at Valenzuela PNP ang suspek na si Fortunato "Fortune" de Jesus sa kanyang tinutuluyang bahay sa Valenzuela City kahapon.

Sa bisa ng arrest warrant mula sa Caloocan RTC Branch 128, dinakip si de Jesus sa kasong carnapping at frustrated murder.

Matatandaang lumutang sa 'TV Patrol' ang biktimang si Emma Carpio, isang car dealer/agent, at isiwalat ang karumal-dumal na karanasan sa kamay ng suspek.

Pinagsasaksak umano siya ni de Jesus sa kanyang leeg at ulo na kamuntik na niyang ikamatay.

Tinangay din ng suspek ang kanyang sasakyan.

Sinubukan noon ng Caloocan PNP na dakpin si de Jesus sa kanyang hideout pero mabilis itong tumalilis gamit ang kanyang motorsiklo.

Kaya abot-langit ang pasasalamat ni Emma sa pagkakadakip kay de Jesus.

“Pagbabayaran niya lahat ng kasalanang ginawa niya sa kasi, ‘yung mga pinaggagawa niya pagdudusahan niya sa bilangguan ‘yun,” sabi ni Emma.

Bagama't tumanggi ang PNP Highway Patrol Group na iharap sa ABS-CBN News si de Jesus, kanila namang kinumpirma na ito ay nasa kanila nang kustodiya.

Batay sa pahayag noon ng Caloocan PNP, nakianib na si de Jesus sa kilabot na Dominguez carnapping syndicate.

“We are expecting an arrest kasi our operatives are working sa grupong ito,” sabi ni Supt. Edwin Butacan, tagapagsalita ng PNP Highway Patrol Group.

Bukod sa pagkakadakip kay de Jesus, nalalapit na rin aniya ang pagsakote ng dalawa pang kilabot na miyembro ng Dominguez group na sina Rolly Tablan at Joel Mechanic.

Sina Tablan at Joel ay sinasabing sangkot sa pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista. Alex Santos, Patrol ng Pilipino

05/22/2012 10:17 PM