Lack of classrooms still a major problem

Posted at 06/04/2012 10:58 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Bukod sa pagdadala ng microphone at visual aids ng ilang guro, ang ilang estudyante ay sa truck na nagkaklase.

Ito'y sa pamamagitan ng kindergarten on wheels na ibinigay ng lokal na pamahalaan.

Makikita na 24 ang kasya dito, masikip pa rin pero ang katwiran nila ay puwede na rin kaysa sa wala.

Isang oras bago magsimula ang klase ay halos kumpleto na ang libu-libong estudyanteng nagpa-enrol dito sa President Corazon Aquino Elementary School sa Batasan Hills Quezon City.

Sa loob ng classroom, halos dikit-dikit ang mga arm chair.

Ang mga estudyante, hindi halos makagalaw sa sikip.

Kapag nakumpleto na ang mga nag-enrol ay aabot ng hanggang 80 ang mga estudyante kada classroom.

Kaya naman ang iba, simula pa lang ng klase pawisan na.

“Mainit po, pinapawisan na ako,” sabi ng isang mag-aaral.

Ang mga guro tuloy tulad ni Hedy Rea ay nagbaon na ng headworn microphone para matiyak na maiintindihan ng sangkatutak na estudyante ang itinuturo niya.

“Dikit-dikit halos wala pong madaanan. I see to it na bago pumasok sa school, may visual aids na po ako,” sabi ni Rea.

Ayon sa principal, magkakaroon din sila ng kaluwagan sa katapusan ng Hulyo.

Ginagawa pa kasi ngayon ang dagdag na 19 na classroom.

“Sinasabi ko nga na 1 is to 45, hindi pa rin kasi kulang pa rin kami sa classroom. Ang 1 is to 60 hindi namin ma-meet talaga,” sabi ni Paulino Manzano, punong guro ng President Corazon Aquino Elementary School.

Hindi rin nawala sa unang araw ng klase ang ilang kinder students na sinumpong dahil ayaw pang humiwalay sa kanilang mga ina.

Si Liezel at Andrei dalawang oras na umiiyak.

Maya't maya silang inaamo ng mga guro at security guard pero hindi pa rin umubra.

Pagkatapos ng klase, dumating ang mga ina ng mga bata.

“Hindi sana paalisin muna ang mga magulang kasi first day pa lang,” sabi ng isang magulang.

“Diyan muna kayo, huwag niyo muna iwanan ang bata para hindi makaistorbo ang bata sa klase,” sabi ni Manzano.

Ang mga transferee naman ay papayagan nang magpa-enrol bukas.