Sekta itinangging pastor nila ang suspek sa sex abuse


Natiyempuhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Women and Children Office si Antonio Llamado, isang miyembro ng isang Christian church kahapon sa kanilang bahay sa Brgy. Vergara, Mandaluyong City.

Kaugnay ito ng sumbong na pang-aabuso umano sa isang 17 taong gulang na estudyante sa loob halos ng isang taon.

Inampon umano ng suspek ang biktima mula Teresa, Rizal at dinala sa Mandaluyong City para pag-aralin.

Nilinaw ngayon ng Lord of the Nations Church na hindi pastor ang suspek na si Llamado.

“Si Mr. Antonio Llamado ay hindi isang pastor, siya ay nag-volunteer dito as worker. Dumadaan sila sa tamang proseso bago tayo mag-appoint ng woker lalo na kung sasabihin nating pastor,” sabi ni Mary Jane Ching ng Lord of the Nation Church.

Tinitingnan din nila ang pananagutan ni Llamado at nilinaw ding hindi nila kukunsintihin ang ganitong gawain.

Samantala, sinampahan na rin ng kasong paglabag sa Republic Act 8353 on Anti-Rape Law in relation to Republic Act 7610 o Child Abuse Law si Llamado na nasa detention cell pa rin ng CIDG.

Walang inirekomendang piyansa sa naturang suspek na tumangging magbigay ng pahayag. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino

 

06/12/2012 10:37 PM