Publiko pinag-iingat sa mga online 'friends'


Pinagsasaksak hanggang sa mapatay sa loob ng kanyang apartment nung 2005 ang showbiz writer na si Ely Formaran alias Mama Elay. November 2006 naman, pinagsasaksak din at napatay sa Quezon City ang Pinoy Big Brother producer na si Joel Siervo. Ang mga suspek sa mga kaso, pawang naging matatalik na kaibigan ng biktima at nakaw ang motibo.

Kaninang alas-3 ng madaling araw, 17 beses ding pinagsasaksak si direktor Ricky Rivero, pero buhay siya at ligtas na ngayon. Ang nadakip na suspek, ang 22-anyos na si Hans Ivan Ruiz.

Naging kaibigan umano ni Rivero si Ruiz nu'ng Enero sa pamamagitan ng Facebook, at kahapon sa apartment ni Rivero natulog si Ruiz. Ninakawan at inatake umano ng suspek si direk habang natutulog.

Sa komprontasyon sa ospital, positibo na ring kinilala ng biktima ang suspek, na todo tanggi naman.

“Hindi ko alam iyon. Basta na lamang ginising ko siya pinagbibintangan na lamang ako,” ani Ruiz.

Kanina, dumalaw naman kay Rivero ang ilan niyang kaibigan sa showbiz kabilang na ang singer na si Rachel Alejandro.

Muli namang nagpaalala ang pulisya na huwag basta magtitiwala.

“Iyong mga nakakaibigan ninyo mag-ingat, dapat pag-aralan… dahil baka 'di lang nakaw ang gawin niya, mas malala pa siguro,” ani Chief Inspector Romulo Terrado Jr., hepe ng Investigative Division ng QCPD Station 10.

Sasampahan ng kasong frustrated murder at robbery si Hanz Ivan Ruiz. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino