EXCL: Aquino pinakukumpuni ang Angat Dam


Dinadaanan ng Marikina Valley Fault ang Angat Dam at luma na rin ito kaya't marami ang nangangamba na bumigay ang dam sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

Nauna nang inamin ni MWSS Administrator Gerry Esquivel na isang US consultancy firm ang nagsabi na posibleng mangyari ang delubyo na magreresulta sa mahigit na P200 bilyong pagkasira sa mga imprastraktura at ari-arian.

Sa Bulacan, Pampanga at Metro Manila, may 30,000 buhay din diumano ang manganganib.

Ayon kay Esquivel, dahil dito ay pumayag na ang Pangulong Aquino sa proyekto upang patibaying muli nang husto ang Angat Dam sa halagang P5.7 bilyon.

“It’s conditionally safe. Siyempre ang hiningi nating budget sa Presidente, kasama na roon ang instrumentation ng dam to meet world class standards pati na ang maliliit na seismic movements mamo-monitor natin, quality of water, CCTV. So ginagawa nating world class na ang nag-iisang water source ng Metro Manila,” sabi ni Esquivel.

Sa tantiya kasi ng mga eksperto, masyadong matarik ang mismong dike ng dam na humaharang sa tubig palusong sa mga ilog sa Bulacan.

Kaya't ang gagawin dito ay palalaparin ang mismong base nito o ang pinakapundasyon ng dam.

Maglalagay din ng karagdagang spillway o saluhan ng tubig mula sa dam na idudugtong naman sa katabing Ipo Dam.

Payag naman dito ang gobernador ng Bulacan.

“Habang ayos pa tayo, dapat ay gawin na ito at sana ay maging mabilis ang ating pagkilos. Otherwise, itong mga sinasabing ito ay puro nasa papel ito,” sabi ni Wilhelmino Sy-Alvarado, gobernador ng Bulacan.

Kaya nga lang, dahil sa laki ng budget ay posibleng tumagal ang bidding process ng may anim na buwan, gayundin ang paggawa ng disenyo.

Kaya't sa kabuuan, mahigit pang tatlong taon ang tatagal bago ito matapos.

Ayon kay Governor Alvarado, wala tayong magagawa kundi magdasal na huwag sanang magkaroon ng lindol sa loob ng tatlong taon. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino

06/13/2012 9:34 PM