2 patay sa pagbagsak ng adobe sa 3 bahay sa Valenzuela

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Dito sa tulay ng General T. de Leon nakadikit ang adobe at sa ilalim naman nito naninirahan ang mga illegal settlers.

Kanina sa kasagsagan ng ulan ay nabitak ang adobe sa gilid ng tulay at bumagsak sa tatlong bahay dito.

Nakunan pa ng video ni Romer ang mga unang tagpo matapos bumagsak ang adobe sa mga kabahayang ito.

Katatapos lang hugutin dito ang walong taong gulang na si Christian Serrano na agad ding namatay.

Parang pinagbagsakan ng langit at lupa ang ina ni Christian sa sinapit ng anak.

“Napakasakit po. Sana po tulungan naman nila ako sa nangyari sa pamilya ko dahil ako na lang po mag-isa ngayon eh,” sabi ni Nelda Serrano, ina ng biktima.

Sa hindi kalayuan, makikita ang bakas ng dugo ng kapitbahay niyang si Rodel Fugoy na natabunan din ng adobe.

Ilang oras na ang dumaan pero hindi pa rin nakukuha sa nakadagan na adobe ang kanyang wala nang buhay na katawan.

Sugatan naman ang dalawa niyang anak na may edad isa at dalawang taong gulang.

“Sumiksik ang tubig sa maraming ugat, bumagsak ang wall. May uka na kasi sa ilalim eh,” sabi ni Romer dela Cruz, opisyal ng barangay.

Ayon sa opisyal ng Valenzuela City Engineering Office, inuka ng mga illegal settler ang bahagi ng adobe para mapalaki pa ang kanilang tinitirhan.

Dahil dito, humina ang pundasyon nito na pinalala pa ng walang tigil na pag-ulan mula pa kagabi.

“Ang cracks niyan, nag-iipon na ng tubig iyan. Humina na siguro ang ilalim kaya bumigay,” sabi ni Praceli Nelson, tagapamahala sa Valenzuela City Engineering Office.

Ayon naman kay Mayor Sherwin Gatchalian, bawal tirahan ang lugar dahil isa itong danger zone.

“Transmission line ito, dapat bawal talagang tirahan sa ilalim dahil kapag bumagsak ang transmission line, problema... ito ay part ng tinatawag nating danger zone. Every year, sinasabihan sila na dapat maghanap na sila ng permanente,” sabi ni Gatchalian.

Tutulong naman daw ang lokal na pamahalaan sa gastusin sa ospital ng mga nasugatan maging sa pagpapalibing sa mga namatay at iba pang tulong pinansyal.

07/03/2012 9:43 PM