LGUs pinagdedesisyon sa suspensyon nang maaga

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Mula kagabi, walang tigil na ang ulan sa Kamaynilaan.

Marami ang naghintay ng anunsyo kung may pasok ba o wala.

Pero lumipas ang mga oras at bumaha na sa mga kalsada ngunit walang anunsyong dumating.

Marami tuloy ang napilitang sumabak sa baha makapasok lang sa trabaho at eskuwela.

Ang iba, naipit naman sa buhul-buhol na trapik.

Gaya ng dating mga karanasan, kung kailan nakapasok na ang marami ay saka lang nag-anunsyo ang ilang lokal na pamahalaan na wala na raw pasok.

Puwede nang umuwi ang mga pang-umaga at suspendido naman ang mga may klase sa hapon.

Ang trabaho sa gobyerno, kundi half-day ay puwedeng umuwi nang mas maaga.

Kanya-kanyang anunsyo rin ang mga kolehiyo't unibersidad.

Sa dami ng anunsyo, nagkalituhan na naman.

“Perwisyo po kasi pagdating ko po dito, wala na raw pong klase,” sabi ng isang estudyante.

“Hindi ko po alam kasi nagtatanong din po kami sa guard. Umikot daw po kami sa LTO,” sabi naman ng isa pang estudyante.

Dahil sabay-sabay nag-uwian ang marami, naging pahirap ang paghahanap ng masasakyan.

Paalala ng Palasyo sa mga local government units, kapag walang storm warning signal ay dapat may desisyon na sila kung may pasok o wala ng 4:30 a.m. para sa mga pang-umaga, at 11 a.m. para sa mga panghapon.

Nagbabala sila sa mga hindi sumusunod na LGU.

“We are giving them a little bit more time to cope with the new system and we hope this will be the last time,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Ayon naman kay Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, may mga ibang LGU na ipinaubaya ang rekomendasyon sa mga barangay captain.

“Not all principals are residents of the barangay pero si kapitan nandoon kaya kung may talagang makakakita ng sitwasyon, si kapitan iyon,” sabi ni Robredo.

Paalala naman ni Manila Mayor Alfredo Lim, kaya rin ng bawat isa na magdesisyon para sa sarili nila kung papasok sila o hindi.

“Kung alam mong baha na sa lugar ninyo para makarating sa paaralan niya, eh ‘di huwag mo na papasukin,” sabi ni Lim.

Dahil tag-ulan na, tiyak na muling masusubukan at malalaman kung epektibo ba ang bagong patakaran. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino
 

07/03/2012 10:22 PM