Tubig sa La Mesa Dam malapit na sa pag-apaw

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sa ngayon, nasa 79.55 meters na ang lebel ng La Mesa Dam. Nasa red alert status pa rin. Ibig sabihin, patuloy ang rekomendasyon ng La Mesa sa mga residente na nakatira sa mga kritikal na lugar na bahain, pero tila, itong mga residenteng ito, ay nakikiramdam pa kung kailan sila aalis sa kani-kanilang mga tahanan.

Alas-11 ng umaga kanina, umabot na sa red alert status ang tubig sa La Mesa Dam. Naitala ang lebel ng tubig sa 79.52 meters, ilang sentimetro na lang bago ang spilling level na 80.15 meters.

Ayon kay Engineer Teddy Angeles, La Mesa Head Works Manager ng Manila Water, hudyat na ito para i-rekomenda ang evacuation sa ilang mga lugar na posibleng ma-apektuhan ng pag-apaw ng La Mesa Dam tulad ng Quezon City, Valenzuela, Malabon at Navotas.

“’Yung mga local government units or the barangays, sila po mas kabisado ‘yung mga lugar nila eh, so what we can only do at the start of the red alert level is to recommend a general evacuation,” ani Angeles.

Ilan sa mga barangay sa Quezon City na mahigpit na binabantayan ay ang Fairview, San Bartolome, Santa Lucia, Gulod, Santa Monica, Novaliches proper at Nagkaisang Nayon. Lahat sila kritikal sakaling umapaw ang Tullahan river.

Ang mga residente ng Sitio Ruby sa Fairview, kung saan napapalibutan ang kanilang mga kabahayan ng isang creek na daluyan ng Tullahan River, tila nakikiramdam kung kailan sila lilikas.

“Hindi naman namin alam ‘yung ganyang balita na tataas ang tubig, pero mag-iimpake na rin kami kung maramdaman namin ‘yung tubig,” sabi ni Remedios Banez, residente ng Sitio Ruby.

“Pag medyo [mataas] na ‘yung tubig rito, evacuate na. Iwanan ang bahay, at kung maaari, ‘yung mga gamit dalhin sa mataas,” ani Teresita Santos, isa ring residente.

Sa Barangay Santa Lucia naman, hinihintay na lang nila ang abiso mula sa mga opisyal kung panahon na para sila ay magsilikas.

“Kanina po ay nagpaikot na po tayo ng mga tao na maghanda sa biglaang paglikas,” sabi ni William Bawag, barangay captain ng Sta. Lucia.

“Tulad kaninang madaling araw, bumaha, ayon, ‘yung mga gamit namin, nilagay namin sa second floor, pero saglit lang naman eh,” sabi naman ni Raffy Leyes.

Paliwanag naman ni Doctor Noel Lansang ng Quezon City Emergency Response Team, nirerespeto nila ang rekomendasyon ng La Mesa Dam, pero nasa lokal na opisyal pa rin kung kailan ipatutupad ang forced evacuation sa mga residente.

Dakong alas-4 ng hapon ay tumaas pa ang tubig sa La Mesa Dam na umabot na sa 79.65 meters. Nag-abiso naman ang La Mesa Dam management na patuloy nilang hinihikayat ang mga apektadong residente na lumikas dahil inaasahan pa ang pagtaas ng tubig sa La Mesa Dam bandang alas-6 ngayong gabi. Dahil dito dumidiretso ang tubig na pinapakawalan ng Ipo Dam.
 

07/03/2012 10:34 PM