Maricel Soriano inireklamo ng pang-aabuso ng kasambahay


Iminwestra ng dalawang biktimang sina May Cachuela, 22 anyos, at Camille Acojedo, 18 taong gulang, kung paano sila tinadyakan, sinaktan at binantaang babarilin ng kanilang among aktres na si Maricel Soriano noong June 29 sa isang condo unit sa Rockwell, Makati.

"'Papatayin ko kayo,' ayun, mura siya nang mura. 'Papatayin ko kayo! Dito kayo mamamatay,' sabi niya," ani May.

Ayon sa kanila nakikita ng anak ni Maricel na si Chen kung paano sila tratuhin ng aktres.

"'Intrimitida ka, p******** kayo,' ganoon po siya magmura... 'mga hampaslupang katulong lang kayo,' sabi niya sa amin," ani Camille.

Ang anak ng aktres umano ang nagbigay ng permiso na makalaya na sila.

Galing Zambales sina May at Camille at dalawang linggo pa lang nagtrabaho kay Maricel.

Nagreklamo sa Barangay Poblacion sa Makati sina Camille at May, kaya't pinahaharap ng kapitan ng barangay ang aktres sa isang pagdinig sa Miyerkules.

Ayon pa sa barangay, may nagreklamo na ring katulong laban kay Maricel nito lang Pebrero.

"Non-payment of salary, tapos minumura siya... However, the complainant did not bother to come back," ani Alex Reyes, barangay secretary ng Barangay Poblacion.

Sa Miyerkules nakatakdang lumabas ang resulta ng medico-legal examination ng mga biktima. Sinubukan ng news team na kunin ang panig ni Soriano pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino