MMDA 24/7 umarangkada na


Sa unang gabi ng pagbabantay sa lansangan ng mga enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) alas-diyes pa lamang sinampolan na nila ang mga kotseng walang tail light at headlight.

Wala ring lusot ang mga bus na nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa kung saan-saan lamang sa EDSA.

Maging ang mga kolorum na van na biyaheng Cavite, na nakakasagabal sa trapiko sa Pasay Rotunda, sinita at binigyan ng mga traffic violation ticket.

Wala namang magawa ang mga drayber kundi tanggapin ang sermon at tiket ng MMDA.

Ayon pa sa MMDA, gabi-gabi na silang magpapatrolya sa mga lansangan.

Bukod sa paghuli sa mga traffic violator, handa rin silang rumesponde sa mga aksidente o kaya naman ay sa krimen lalo na ang kalimitang snatching sa mga kalye.

Umaabot sa 60 traffic enforcers ang ipinakalat sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Base sa datos ng MMDA, 32% ng mga aksidente ay nangyayari sa gabi.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, may dagdag allowance naman ang mga tauhan na magna-night shift.‬‪

Sa mga susunod na araw ay bibiyahe na rin ang MMDA bus kung saan bibigyan ng lecture ang mga mahuhuling jaywalkers kahit gabi.

Pati ang clearing operation ng illegal vendors sa gabi ay ikinakasa na rin.

Hindi naman buo ang tiwala ng ilang motorista sa bagong shift ng MMDA.

Hiling lamang ng MMDA sa publiko na makiisa sa kanila para matiyak na ligtas at maayos ang daloy ng trapiko sa mga lansangan maghapon at magdamag. – Francis Faulve, Patrol ng Pilipino

08/18/2010 12:44 AMBookmark and Share

1 comment

Maganda yan

Kung matitino ang mga MMDA officers na pang gabi makikita rin natin ang resulta after a while. Pag bumaba significantly ung 32% na traffic problems during night time ibig sabihin nagtatrabahong mabuti ung night shift officers. So sa hepe ng MMDA night shift we will wait and see. Good luck sa yo at sa team mo!

~~~ Had you been given a choice, would you have chosen to be born Filipino?...