Dengue outbreak sa 10 barangay ng QC pinangangambahan


Sa Sugar Town, Batasan Hills, Quezon City, 4 na magkakatabing-bahay lahat nagkaroon ng kaso ng dengue.

Si Cristy, tumaas ang lagnat at nagka-rashes sa iba-ibang bahagi ng katawan.

Agad daw siyang nagpatingin sa ospital kaya naagapan.

Ang kapit-bahay niyang si Mang Evangelista, sabay-sabay nagka-dengue ang mga anak.

Sa tala ng Quezon City Health Office, 8 ang kaso ng dengue sa lugar sa loob lamang ng 2 linggo.

Ilan sa nakita nilang dahilan ay ang mga natambak na urinals sa isang bakanteng lote na nalagyan ng tubig at ang nakatiwangwang na tubig sa drainage.

Isa pang nakitang pinamumugaran ng lamok sa naturang lugar ay ang mga takip ng basurahan na may stagnant water.

Ayon sa health officer ng Quezon City, sa bawat isang kaso ng dengue sa isang lugar ay nangangahulugan na may mahigit 300 lamok na may dengue na naglipana sa lugar.

Nitong Miyerkules, bumisita ang mga health officers ng barangay at Quezon City Hall sa lugar at pinayuhan ang mga residente.

Nangangamba na ang Department of Health na magkaroon ng outbreak sa Batasan Hills at 9 pang mga barangay, kabilang ang Gulod, San Bartolome, Tandang Sora, Culiat, Bahay Toro, Nagkaisang Nayon, Tatalon, Sauyo at Bagbag.

Sa ngayon nangunguna ang Quezon City sa Metro Manila sa may mataas na kaso ng dengue na umabot sa 950.

Samantala, naka-confine rin ngayon sa ospital ang Kapamilya heartthrob na si Enchong Dee dahil sa dengue.

Patuloy na nagpapagaling ang aktor sa kanyang sakit. – Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

08/18/2010 11:45 PMBookmark and Share