2 magkapatid sa Quezon City patay sa dengue


Parehong namatay sa dengue ang dalawang anak ni “Mang Dennis.”

Kuwento niya, unang nilagnat ang 3 taong-gulang na si Aris. Pabalik-balik ang mataas na lagnat ng bata kaya dinala na nila sa ospital.

Nasa Stage 3 na ang dengue ng bata at makalipas lamang ang ilang araw, namatay na si Aris.

Sumunod na nilagnat ang nakababatang kapatid ni Aris na si Tony, 2 taong-gulang.

Umabot din sa Stage 3 ang dengue ni Tony bago namatay.

Ang ipinagtataka ni Mang Dennis, hindi nakitaan ng anumang delikadong sintomas ng dengue ang mga anak.

Sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), umaabot na sa 48,806 ang kaso ng dengue sa bansa.

Halos 400 naman ang namamatay dahil sa sakit.

Nakikipagtulungan na rin ang Philippine College of Physician sa DOH para paigtingin pa ang laban sa dengue, gaya ng pagpapakalat ng mga "Iwas-dengue" posters.

Paulit-ulit ang paalala ng DOH sa publiko na isa sa mabisang panlaban sa dengue ay ang pagpuksa sa pinamumugaran ng mga lamok.

Ilan sa mga paraan ay ang paglalagay ng takip sa mga tubig na nakatiwangwang sa anumang container at pagwawalis ng mga stagnant water sa loob at labas ng inyong bahay. – Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

08/20/2010 12:46 AMBookmark and Share