Pagpapahirap ni Binayug, ikinuwento ng mga preso
Sinuportahan ng mga preso ng Binondo Police Station ang pahayag ni alias Ana na asawa niya ang nasa torture video na inilabas ng ABS-CBN.
Ayon sa mga preso, dinala ni Binayug at ng kanyang mga tauhan si Evangelista sa Binondo Police Station tanghali noong Marso 5 dahil sa panghoholdap.
Matapos umanong bugbugin, ipinasok sa selda si Evangelista at noong madaling araw, sinundo raw siya ni Binayug.
Hindi sila sigurado kung kailan dinala si Evangelista sa Asuncion Police Community Precinct at hindi rin nila alam kung ano na ang nangyari sa kanya.
Dagdag ng mga inmates, itinago pa ng mga pulis si Evangelista sa kanyang pamilya.
Dagdag pa ng mga preso, halos gabi-gabing pinagmamalupitan ni Binayug ang mga preso at hindi na rin daw bago ang pagtatali sa ari at ang pagkukuha ng cellphone video habang sila ay tino-torture.
Umaasa sila na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng torture at salvage.
Handa raw silang panindigan ang kanilang testimonya dahil ayaw nilang matulad sa sinapit ni Evangelista. – Niko Baua, Patrol ng Pilipino
08/24/2010 11:15 PM







