Pagkamatay ng ilang hostages posible dahil sa bala ng pulis


Paulit-ulit ang putok ng baril na narinig mula sa loob ng bus kayat hininalang pinagbabaril na ni Senior Inspector Rolando Mendoza ang kanyang mga hinostage.

Lumusob ang SWAT team, at nang maitapon ang tear gas sa loob ng bus -- sniper ang tumarget sa gunman sa pintuan ng bus na sinundan pa ng mga putok na tumapos sa hostage drama.

Walong bala ang tumama kay Mendoza batay sa resulta ng autopsy sa kanyang mga labi.

Dalawa sa leeg, lima sa katawan at ang unang putok ng sniper sa ulo ni Mendoza tumama.

May tama sa ulo, may tama sa leeg, sa dibdib, sa balikat, sa likod at ulo.

Ayon pa sa autopsy report na inilabas ng PNP, tama ng bala ng baril ang ikinamatay ng walong biktima.

Tatlo sa mga hostage ay may tama ng bala sa ulo. Isa ang may tama sa leeg at kamay. Isa ang sa dibdib at tagiliran. Isa naman ang may tama sa likod. Isa ay binaril umano sa balikat. At isa pa sa mga biktima ay may tama sa baywang.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Crime Laboratory lumalabas na ipinutok ang mga baril: ang M-16 rifle at isang kalibre .45 baril na ginamit ni Senior Inspector Rolando Mendoza. Pero sa ngayon ay inaalam pa rin ang trajectory ng balang nanggaling sa mga baril.

Bukod sa direksyon, inaalam na rin kung anong bala ang tumama sa mga biktima.

“Karamihan ng tama ay sa head at neck... mahirap ma-determine [kung malapitan o hindi] dahil may damit [ang mga biktima], walang tattooing na nangyari,” ayon kay PNP Public Information Officer Senior Superintendent. Agrimero Cruz.

Pero sa walong biktima, tatlo ang hiniling na huwag nang i-autopsy. Isinailalim na rin sa ballistics examination ang lahat ng baril na ginamit ng 200 miyembro ng SWAT team ng MPD.

Dumating rin kanina ang Hong Kong Interpol sa Camp Crame para hingin ang resulta ng ballistic exam, para alamin kung kaninong mga baril nanggaling ang mga balang tumama sa mga biktima.

Lumalabas na isyu ng PNP ang Armalite rifle na ginamit ni Mendoza, samantalang ang kalibre .45 baril naman ay personal niyang pag-aari.

At sa kabuuan 59 na basyo ng Armalite rifle, 2 magazines at 2 bala ng Armalite rifle ang nakuha sa loob ng bus. Gus Abelgas Patrol ng Pilipino.

08/25/2010 9:37 PMBookmark and Share