Customs, post office staff huling nagbubukas ng package


Sa CCTV footage na ito, kitang-kita na binubuksan ng isang babae ang kahon habang nakamasid naman ang isang lalaki.

Isa-isa niyang inilabas ang laman ng kahon kabilang na ang cell phone na ito.

Pagmasdan ang ginawa sa cell phone. Inalis pa niya ang nakaipit na papel na tila sobre.

Ang eksenang ito ay naganap noong Biyernes ng tanghali sa Central Mail Exchange Center o CMEC sa Pasay.

Nakilala ang babae na si Lovelyn de Leon, Postman 1 sa parcel unit, samantalang ang lalaki ay si Customs Examiner Omar Said.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Postal Corporation, ipinagtapat umano ni de Leon na foreign currency o pera ang binuriki sa parcel, pero iba ang suspetsa ni Postmaster General Josie dela Cruz.

Ani dela Cruz, “Mukhang magkasabwat sila. ‘Yung taga-Customs ‘yung nagtuturo kung alin yung bubuksan. Nakita rin natin sa CCTV na hindi naman niya hinalukay ‘yung kahon eh. Alam niya kaagad na ‘yung cell phone ang bubuksan niya. Alam niya rin kaagad na mayroong nandoon sa cell phone.”

Dagdag niya, posibleng matagal nang ginagawa ang katiwaliang ito at ngayon lang nahuli sa akto dahil sa pag-aakalang sira ang CCTV camera sa naturang puwesto.

Mahigpit na ipinagbabawal ng Bureau of Customs at Philippine Postal Corporation ang pagbubukas ng parcel na gaya nito kung hindi nakaharap ang addresee o may-ari ng package, na taliwas sa ginawa ng 2 nabuking ng CCTV.

Kakasuhan na ang 2, pero ayon kay dela Cruz, tutumbukin din nang mas malalim na imbestigasyon ang posibleng sindikato na ginagawang gatasan ang mailing service ng pamahalaan.

Tumanggi namang humarap sa media ang 2 inaakusahang empleyado. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino

09/06/2011 10:51 PMBookmark and Share