Inside job tinitingnan ng pulisya sa Cavite mall heist
Business as usual na sa SM Dasmarinas, Cavite, matapos ang madugong holdapan nitong Lunes.
Limang armadong lalaki ang nanloob sa ATM ng Banco de Oro na kakargahan sana ng pera.
Nitong Martes, ipinagpatuloy ng Cavite Police Provincial Office ang imbestigasyon.
Ipinakita nila sa mga tao sa mall ang rogues’ gallery ng mga sinasabing miyembro ng Ampang Colangco at Ozamis hold-up/robbery group.
“Right now, a team of investigators went to SM Dasmariñas to interview and to show pictures of the members,” ani Senior Superintendent Danilo Maligalig, direktor ng Cavite provincial police.
Ayon sa mga pulis, nasa mid-20s lamang ang kasamang umatake ng Ampang-Colangco at ang pinaka-lider ay si alyas Bogart, ang dating kanang kamay ng dating lider ng grupo.
Posible rin umanong gumamit ng mga babaeng courier ang grupo para makapagpasok ng baril sa loob ng mall.
Ipinagtataka rin ang tila kakaibang ikinikilos ng isa sa security guard sa loob ng mall.
“Tumakbo na yung ano hindi naman siya humabol. He was acting, hindi bilang trained na security guard,” dagdag ni Maligalig,
Ayon sa source ng ABS-CBN, umaabot sa P8 milyon ang nakulimbat sa panloloob nitong Lunjes.
Batay sa record ng pulisya, walong beses nang nilooban ng Ampang-Colangco robbery group ang Banco de Oro.
Hindi rin nagtataka ang mga awtoridad kung may tipster sa loob mismo ng mall at bangko dahil sino nga naman ang nakakaalam na may nakalabas na malaking pera ng mga oras na iyon para i-refill ang mga laman ng mga ATM sa loob mismo ng SM.
Hindi pa nagbibigay ng kopya ng kuha ng CCTV ang SM at hindi pa rin naibibigay sa pulis ang mga pangalan ng mga guwardiya at mall personnel na naka-duty noong naganap ang robbery.
Samantala, inoobserbahan pa rin sa pagamutan ang security guard na si Nielgen Taladua na nagtamo ng tatlong tama ng bala habang maari na raw makalabas ng ospital ang guwardyang si Paolo Lamoste kapag nagpatuloy na maging maayos ang kondisyon niyo. – Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino
09/07/2010 11:49 PM



