Bata patay sa patuloy na pagdami ng kaso ng dengue


Walang tigil sa paghagulgol si Amy Martinez sa burol ng 9-taong-gulang na anak na si Jhomielene.

Nilagnat daw ang bata ng isang araw at dumaing ng pananakit ng tiyan makalipas ang isang linggo.

Nang dalhin niya ang anak sa doktor, nasa Stage 4 na pala ito ng dengue.

Ayon sa isang Bayan Patroller, marami na sa mga residente sa Barangay Culiat, Quezon City ang nangangamba sa pagdami ng kaso ng dengue sa kanilang lugar.

“Sana po ay bigyan naman kami ng pansin dito sa lugar namin. Ayaw na naming maulit na may mangyari talaga niyan,” anang isang residente.

“Magpapalinis kami sa iba’t ibang lugar. Ini-inform ang mga mamamayan kung saan nagmumula iyang dengue,” anang chairman ng barangay.

Panawagan ng DOH sa publiko, magtulung-tulong ang magkakapit-bahay sa paglilinis ng kapaligiran, lalo na sa pag-aalis ng mga nakatiwangwang na tubig dahil ang problema ng dengue ay hindi kayang lutasin ng iisang tao lamang kundi ng buong komunidad.

Sa East Avenue Medical Center ay 77 na ang naka-confine dahil sa dengue, 61 naman ang kumonsulta at nagpositibo rin sa dengue pero puwede namang gamutin sa bahay.

“Kung nilalagnat pa lang ng 2 to 7 days, magpa-check up na sila sa health center para mabigyan ng request sa dugo para makita natin kung dengue nga ba,” payo ni Dr. Marygrace Leano, resident pediatrician sa East Avenue Medical Center.

Sa Sarangani Province, umabot na sa 449 ang kaso ng dengue at 11 ang namatay.

Kapag tumaas pa ito at umabot sa outbreak level, posibleng isailalim ang probinsya sa state of calamity.

Sa ngayon, umakyat na sa 69,594 ang mga kaso ng dengue sa bansa. Halos doble ito kumpara noong nakaraang taon. – Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

09/08/2010 9:01 PMBookmark and Share