Babae sa maleta kinilala ng pulisya
Noong Sabado, natagpuan ang isang maletang ito sa isang kalye sa Congress Village sa Camarin, Caloocan City. Nang buksan, bangkay ng isang babae ang laman.
Nakilala na ng mga kaanak ang biktima bilang si Neria Salapang, 29 anyos at isang sales supervisor.
“May nakita sila sa scene of the crime na mga ID at mga calling cards,” ayon kay Supt. Jade Santos ng Caloocan Police.
Ayon sa kasambahay, umalis noong Miyerkules ng umaga si Salapang para pumunta sa Nueva Ecija. Iniwan daw nito ang anak sa bahay kasama ang katulong.
Pero lumalabas sa imbestigasyon, 3 araw nang patay ang biktima nang matagpuan. May palatandaan din daw na sa bahay siya pinatay, batay sa mga bakas ng dugo na nakita sa loob ng bahay.
“Mayroon siyang fracture sa ulo sa kaliwang bahagi which is na'ndito, wala naman tayong nakitang ibang injury,” ayon kay Supt. Filemon Porciuncula ng SOCO NPD.
Isa sa mga sinisilip na motibo sa krimen ang pagnanakaw dahil nag-withdraw umano ng malaking halaga ang bikitma matapos tumanggap ng benepisyo sa pagkamatay ng asawang seaman.
Kasama rin sa tinitingnang anggulo ang posibilidad na may mga kaalitan siya sa trabaho. Iniimbestigahan na rin ang lahat ng taong malapit sa biktima bago siya nawala at natagpuang patay. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino.
09/28/2010 9:36 PM







