Sasakyan ni PNoy adviser Ronaldo Llamas, nabangga


Wasak ang harapang bahagi ng Mistubishi Montero Sport na ito matapos makasalpukan ang isang delivery truck sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kaninang madaling araw.

Ayon sa driver ng truck na si Junnel Tenorio, mabagal lang naman daw ang kanyang pagpapatakbo nang bigla siyang banggain ng SUV.

"May sumigaw, baka siya bumangga sa amin,” sabi ni Junnel Tenorio, ang driver ng truck.

May plakang '6' ang sasakyan at nakalagay ang acronym na OPA o Office of Political Affairs.

Ang driver nito, agad dinala sa ospital.

Pero nagulat ang mga taga-media at mga traffic enforcer nang makakita ng isang assault rifle sa ilalim ng driver's seat.

"’Yung MMDA... sabi sa amin lumayo kami dahil may baril," sabi ni Tenorio.

Ilang sandali lang, isang Starex van ang dumating.

Lumabas ang mga sakay nito at mabilis na lumapit sa naaksidenteng SUV na parang may pakay.

Pero nu'ng makita ang media, bigla silang umatras.

Hindi nagtagal inilapit nila ang sasakyan nila at sinabing may mga kukunin silang mga gamit.

Ilang bulletproof vest ang kanilang kinuha, pati na ang assault rifle.

May isang lalaking nakita kaming nagtatago sa likod at nakahiga.

Ayon sa mga nakakita, ‘yun daw ang nagmamaneho ng SUV.
Sinubukan naming kumpirmahin ito mula sa mga lalaking kumuha ng mga gamit pero sadyang mailap sila.

Pero ayon sa MMDA, binanggit daw ng mga lalaki kung kanino ang sasakyan at kung anong sangay ng gobyerno ito konektado.

"Secretary daw, kay Llamas,” sabi ni MMDA traffic enforcer Osmunda Ora.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente. Jeck Batallones, Patrol ng Pilipino