Patroller nagreklamo laban sa hukay sa eskuwelahan


Sa retratong ito na pinadala ng ‘di nagpakilalang Bayan Patroller, puno ng maruming tubig ang napakalalim na hukay na mula sa isang construction project sa tabi mismo ng Maligaya Elementary School sa Novaliches, Quezon City.

Mismong ang principal takot sa panganib na dulot ng hukay.

“Natatakot kami, sa totoo lang, lalo sa ating mag-aaral, lalo ngayon e laganap iyong dengue,” sambit ni Robert Macasieb, principal ng paaralan.

Planong tayuan ng 4 na palapag ng paaralan ang nasabing site, pero  3 taon nang nakatengga ang proyekto.

Kaya't minabuti ng Bayan Mo, iPatrol Mo na kunan ng panig ang City Engineering Office ng Quezon City na nangangasiwa sa proyekto.

“Nagkaroon ng problema doon sa, noong magkaroon ng spring water. Iyon ‘yong presence ng tubig sa ilalim na maaaring mag-cause ng paghina ng foundation. Medyo delikado. Tapos nagkaroon pa nga pala ng isang aksidente na mayroong namatay, 2 laborers,” ani Geminiano Victa, chief ng Vertical Infrastructure Projects.

Dagdag pa ni Victa, may paraan para maayos ang problema para umpisahang muli ang proyekto.

“Ang immediate action diyan is to back-fill para iyong tubig ma-upset ng lupa. Siguradong itutuloy iyan. Hindi puwedeng hindi itutuloy,” ani Victa. Alex Santos,  Patrol ng Pilipino