Publiko pinag-iiingat sa modus sa kalye


Tinatayang mahigit sa 40% ng Metro crimes ay nangyayari sa kalsada. Ilan sa mga ito ang snatching, holdap, kidnap, carnap, carjacking at highway robbery.

Modus ng grupo na bundulin ang sasakyan ng bibiktimahin at paglabas ng mga biktima para mag-reklamo sa nakabundol. Tututukan sila, hoholdapin at itatakas ang kanilang sasakyan. 

Para hindi mabiktima, narito ang payo ng mga awtoridad.

“Kadalasan binabangga sa likod o kaya sa side. Huwag muna silang bababa. Puwede niya masilip ang plate number ng sasakyan, i-jot down nila kaagad  ‘yung description ng mga tao na palapit sa kanila. ‘Yung itsura, ‘yung built, ‘yung physical features, ganoon. Dumiretso na muna sila. Umalis na sila. Lalo na kapag nakita nila na mayroong dala [na armas],” ani Colonel Edwin Butacan, PIO Highway Patrol Group, PNP.

I-save rin sa inyong cell phones ang emergency hotlines ng pulisya para madaling makatawag ng saklolo.

Marami rin namang hakbang na ginagawa ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police para tayo ay maproteksyunan.

“Nag-conduct ang intelligence operations to identify suspects. Pangalawa ‘yung check point operations in coordination with the community, mayroon kaming mga volunteers, ganoon,” ani Butacan.

Sa pagkakahuli ng ilang miyembro ng Bundol Gang kanina, hindi ito sapat para maging kampante sa kalsada dahil maaari silang umatakeng muli matapos ang ilang araw. Bukod diyan, marami pang krimen sa kalye ang maaaring maganap kung hindi mag-iingat.

Kaya't importanteng maging alisto at maagap sa lahat ng oras. Ako ang inyong Tita Winnie.  Tandaan; simple lang ang buhay.  Tamang diskarte lang ang kailangan para winner sa life.