Mga sasakyang nakaparada sa Christmas lanes binatak ng MMDA


Binulabog ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang kalye sa Sampaloc, Maynila para tanggalin ang mga sasakyang perwisyo sa mga motorista at pedestrian.

Gamit ang mga towing trucks, sinuyod ng MMDA ang mga kalye ng Maceda, Dapitan at Piy Margal.

Layunin ng MMDA na isama sa expanded Christmas lanes ang mga kalsadang ito o ang mga alternate route sa panahon ng Kapaskuhan.

Ang lumang sasakyan na ito ni Aling Edna ay agad pina-tow ng awtoridad dahil hindi na umaandar.

“Nakiusap ako kung puwede sanang huwag nang baklasin,” sabi ni Aling Edna.

Hindi nakaligtas ang mga dambuhalang trak pati na ang mga pribado at pampublikong sasakyan na hinila ng mga towing trucks.

Kaya may ilang pumalag.

Giit nila, walang pasabi ang MMDA.

“Sobrang arogante... Hindi naman yata tama iyon,” sabi ng residenteng si Rogelio Pua.

Hindi naman natinag ang mga tauhan ng MMDA kahit pa sila'y hinahabol ng mga may-ari ng sasakyan at pinagsisigawan.

Sa buong araw na ginawang operasyon ng MMDA, aabot sa higit 20 sasakyan ang kanilang nabatak at dito na nila inilagak pansamantala.

Maaari naman tubusin ng mga may-ari ang mga sasakyan, iyon nga lang may katumbas ito na malaking halaga.

Aabot sa P1,500 hanggang P4,500 ang babayarang multa kapag na-impound ang sasakyan.

Tatagal ang araw-araw na clearing operation ng MMDA hanggang January 6, 2012. Alex Santos, Patrol ng Pilipino