Totoy, patay matapos pasakan ng hose
Tandang-tanda pa ni Roberto Seroma ang nangyari sa batang si Mark Jason matapos umanong pasakan ng pressurized hose sa puwitan ng kasamahan sa trabaho.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, naglalaro lang ang bata ng pressurized hose habang nagtatrabaho ang kanyang magulang nang agawin ng suspek na si Lucidro Macahilig ang hose saka itinapat sa pwet ng bata.
“Pinahanginan ang bata tapos tinusok sa pwet,” sabi ni Seroma.
Ayon pa kay Seroma, lumobo ang tiyan ng bata at tuluyang nangisay.
Ayon sa testigo dito sa Gapan, Nueva Ecija, ito ang hose na ginamit ng suspek.
Dalawang minuto raw niya ito sinaksak sa puwitan ng bata, kung saan lumobo ang kanyang tiyan ng nasa anim na pulgada.
Base sa resulta ng medico legal, lumalabas na may laceration sa puwet ng biktima.
“Nagkaroon ng foul play sa nangyari,” sabi ni PO2 Edmer Portillo ng Gapa, Nueva Ecija PNP.
Pero katwiran ng suspek, hindi niya sinadya ang nangyari.
“Mahilig kasi ‘yun mag-spray ‘yung bata na ‘yun,” sabi ng suspek.
Giit pa ng suspek, tila may diperensya sa pag-iisip ang bata.
Bagay na itinanggi naman ng ama ng biktima.
“Hindi abnormal ang anak ko. Kung sa kanya ko kaya gawin iyon, papayag kaya ‘yon?” sabi ni Armando Culano.
Kasong homicide in relation to child abuse ang sinampang kaso laban sa suspek. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino, Gapan, Nueva Ecija
02/01/2012 10:45 PM







