Pinoy guide, nakatakas sa bumihag sa kanya at 2 European sa Tawi-Tawi


Isang photographer, cinematographer at mountaineer si Ivan Sarenas.

Enero 29 nang dumating si Sarenas kasama ang mga European tourists na sina Ewold Horn at Lorenzo Vinciguerra sa Tawi-Tawi.

Kahapon, kinidnap sila ng mga armadong lalaki pero nakatakas siya.

Nagpasama raw sa kanya ang mga dayuhan sa lugar para mag-bird watching ng isa sa endangered hornbill sa buong mundo.

“One of them emailed me several times about wanting to go to Tawi-Tawi because he wanted to see a hornbill. May common friend kami from Thailand who said I should guide him. I thought of it as a way of promoting the tourism potential on Tawi-Tawi,” sabi ni Sarenas.

Ayon kay Sarenas, pang-apat na beses na siyang bumabalik sa Tawi-Tawi.

“This is my fourth time. Noong una kong dalawa, I was alone. Two weeks ago, I was with 2 other foreigners,” sabi ni Sarenas.

Kahapon, pabalik na sana sila sa Bongao sakay ng bangka nang harangin sila ng mga armadong lalaki at pinasakay sa isa pang bangka.

“Sinubukan ko mag-Tagalog, tinatanong ko kung saan pupunta. Sabi nila, ‘Bakit?’ Sabi ko lang kasi masakit na ang paa namin. Sabi nila malayo pa sila. Wala naman silang instruction kung hindi to duck sa ilalim ng trapal,” sabi ni Sarenas.

Pinatakas naman ang kasama nilang barangay kagawad at escort na pulis.

“Binalik kami sa Bongao but when it made a loop turn pa-north alam ko na pa-Jolo na ito so I got really scared for my life. Pero all the time, iniikutan lang namin ‘yung island ng Tawi-Tawi,” kuwento ni Sarenas.

At nang maka-tiyempo, tumalon sa bangka si Sarenas.

“Before I jumped, nagpaalam ako [sa mga kasama ko]. They agreed. They wished me luck. May details pa na ‘di ko pa na kailangan i-share. May opportunity. May lantsa na malapit, mga 700 meters kaya naisip ko ‘di sila magpapaputok kapag may malaking boat na malapit sa kanila kasi mahuhuli sila. At hindi naman ako importante sa kanila eh. Medyo sugal talaga, may fishermen rin naman doon. Siguro 2 kilometers away from the shore. Dagat kami the whole time ng abduction,” sabi ni Sarenas.

Tinulungan si Sarenas ng mga mangingisda at itinago ng mga residente habang hindi pa dumarating ang mga pulis.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya si Sarenas at sumasailalim sa debriefing.

Ikinatuwa naman ng mga kasamahan sa UP Mountaineers ang pagkakatakas ni Sarenas.

“He’s really very unassuming and his passions are really introverted, outdoor photography,” sabi ni Rey Agapay, presidente ng UP Mountaineers.

Nagtungo na rin sa Tawi-Tawi si ARMM OIC Governor Mujiv Hataman kaninang umaga para subaybayan ang search and rescue operations para kina Horn at Vinciguerra.

“I want to personally see the rescue operation,” sabi ni Hataman.

Kinondena ng Malacañang ang insidente ng pagdukot at nangakong gagawin ang lahat para maibalik ang dalawang dayuhan.

Inaalam na rin ang grupong nasa likod ng kidnapping. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino

02/02/2012 9:59 PMBookmark and Share