60 tao, pinangangambahang natabunan sa Negros


Walang tigil na naghuhukay ang mga rescue team sa pag-asang may mahahanap pa silang buhay na residente.

Iyon nga lang, medyo hirap ang lahat ngayon gumalaw sa La Libertad at hirap din makarating ang tulong dahil naputol ang tulay na nag-uugnay sa bayan sa iba pa.

Unang tapak pa lang, nakayayanig ang makikitang pinsala ng lindol dito sa Negros Oriental: bitak-bitak na mga kalsada, mga sirang tulay, mga bahay na pinatag ng paggalaw ng lupa at mga ari-arian na hindi na mapakikinabangan pa.

Tulad na lang ng tirahan ni Aling Diosdada na gumuho sa lakas ng pagyanig.

Nagluluksa naman ang ibang pamilya na bitbit pa ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa lindol.

Maging ang mga sementeryo, hindi sinanto.

Isa ang bayan ng La Libertad sa napuruhan ng lindol.

Hindi ito mapasok matapos gumuho ang tulay na nagkakabit dito sa karatig bayan na Jimalalud.

Tanging paglalakad o kaya'y habal-habal ang nakakalusot.

Pagdating sa La Libertad, tila ghost town ang bayan.

Karamihan sa mga residente, nasa taas pa raw kasi ng bundok at ayaw bumababa sa takot na may susunod pang tsunami.

Pero ang atensyon ng bayan, nakapako ngayon dito sa Barangay Solonggun, kung saan gumuho ang bahagi ng bundok matapos ang lindol at natabunan ang may 60 na residente.

“Ang nagpapahirap sa amin ngayon ay i-locate ang mga bahay kasi may mga bahay mula sa taas na gumuho. ‘Yung mga nalo-locate lang namin ngayon ay ‘yung mga concrete na bahay,” sabi ni 2nd Lt. John Batay-an ng 302nd Brigade.

Si Tatay Eddie, buong maghapong hindi mapakali.

Pinagmamadali ang mga rescue team na maghukay.

Nakatanggap kasi sila ng text message mula sa anak na si Cindy na buhay pa raw siya sa ilalim ng lupa at pinamamadali ang saklolo dahil may liwanag na raw siyang nakikita.

Tanging biskwit na nadampot na lamang ang kanyang pagkain.

Hapon nang magkagulo.

Natagpuan na si Cindy.

Pero sa kasamaang palad, wala na itong buhay.

Kaya't si Tatay Eddie at ang asawang si Shirley, wala nang nagawa kundi maglupasay na lamang, mailabas lamang ang emosyon.

Nag-iisa pa lang si Cindy na natagpuang biktima sa lugar.

Ayon sa mga rescue unit, hindi sila tumitigil sa paghuhukay kahit na abutin sila ng gabi dahil oras daw ang kanilang kalaban sa pag-asang may buhay pa na naghihintay ng kanilang tulong.

Isa pa sa mga malaking problema sa La Libertad at sa mga karatig-bayan ay ang kawalan ng balita.

Bukod dito, wala ring mabilhan ng tubig at pagkain dahil halos lahat ng tindahan ay sarado dito sa mga bayan sa Negros Oriental.

02/07/2012 9:36 PM