Mga taga-Negros, nasa labas ng bahay dahil sa takot sa lindol
Isang maliit na grocery store lang ang nagbukas at dinarayo ngayon sa bayan ng Ayungon.
Si Derek, bumiyahe pa ng dalawang kilometro mula sa kanila para magbakasakaling makabili ng noodles at tubig.
"Wala akong magawa..bumiyahe na lang ako para makabili ng noodles at tubig para sa aking pamilya,” sabi ni Derek Chavez.
Mula Ayungon, binaybay ng News team ang bayan ng Tayasan. Ilang residente rito ang bumaba na mula sa bundok dahil sa takot sa lindol.
Si Marilyn, namalagi sa ilalim ng puno, kasama ang pamangkin.
"Takot kasi kaming pumasok kasi lumilindol pa rin. Sa labas na lang kami para laging handa,” sabi ni Marilyn Abiera.
Isang pamilya naman ang nanatili sa kanilang maliit na pick-up dahil mas ligtas daw sila dito.
Bukod sa kakulangan ng pagkain, problema rin dito ang tubig.
Mula nang bumaba sa bundok ang mga residente dahil sa takot sa lindol at tsunami, itong health center na sa Tayasan, Negros Oriental ang naging takbuhan nila. Dito kasi nila nakukuha ang libreng pagkain, gamot at tubig.
Pero si Lola Leonila nakukuha pa ring ngumiti sa kabila ng dinaranas na hirap. "Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Mahirap pag nawalan ng pag-asa."
Dinumog din ang money transfer na ito para makakuha ng mga padalang tulong o kaya'y magpadala ng pera sa mga kaanak sa ibang bayan na mas nangangailangan.
"Nagpapadala ako ng pera sa aking mga kaanak,” sabi ng isang residente.
Hanggang ngayon, ramdam pa rin ang mga aftershocks. at hangga’t ‘di pa tumitigil ang mga pagyanig, ‘di manunumbalik sa normal ang buhay sa bahaging ito ng Negros Oriental. Reno Tallada, Patrol ng Pilipino, Tayasan, Negros Oriental
02/08/2012 10:12 PM







